Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Matatag na pundasyon



0 468

Tiyak na aabangan ng maraming Pilipino ang ika-limang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Lunes, Hulyo 27.

Natapat kasi ito sa panahong kinakaharap ng bansa ang COVID-19 pandemic na tumama sa 68,898 Pinoy at kumitil ng 1,835 buhay as of July 20, 2020. Ngunit bukod sa sakit at pagkamatay ng maraming tao, pinakamatindi ang naging dagok ng pandemya sa pamumuhay ng marami nating kababayan.

Kaya naman ito ang pagkakataon para iparating ng Pangulo sa higit
100 milyong Pilipino ang komprehensibong plano kung paano mabubuhay at makakahon ang bansa habang wala pang natutuklasang mabisang bakuna laban sa COVID-19.

Sa aking pananaw, ang pandemyang ito na yata ang pinakamatinding krisis na pinagdaanan ng ating bansa at buong mundo. Bagsak ang revenue ng gobyerno. Bumaba ng 16% ang koleksyon ng Bureau of Internal Revenue at Bureau of Customs kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2019. Dahil naman sa pagsasara at pagbabawas ng empleyado ng maraming negosyo, 17.7% ang naitalang unemployment rate noong Abril, katumbas ng 7.3 milyong Pinoy na
nawalan ng trabaho.

Maraming magulang ang hindi na kinayang pag-aralin pa ang kanilang anak ngayong school year. Sa ulat ni DepEd Secretary Leonor Briones, 77% lang ang naitalang enrollment sa public at private school. Ito ay dahil 27% lang ng mag-aaral sa pribadong eskuwelahan ang bumalik at nagpa-enroll.

Kaya nalulungkot si Pangulong Duterte sa dami ng batang tumigil sa pag-aaral dahil sa kahirapang dulot ng COVID pandemic. Wika pa nga ng Pangulo : “Ang edukasyon (ang) kinabukasan ng mga bata.”

Ngunit kahit dumaan sa krisis ang ating ekonomiya, unti-unti naman itong bumabangon sa nakalipas na buwan. Salamat sa matatag na pundasyong
itinanim ng Administrasyong Duterte sa nakalipas na apat na taon. Pinatunayan ito ng mga respetadong international credit rating agencies. Noong nakaraang buwan lamang, itinaas pa ng Japan Credit Rating Agency ang credit rating ng Pilipinas mula sa BBB patungong A minus.

Ngayon pa lang, sinisipat na ng ilan nating kasamahan sa Kamara ang P1.3 trilyong stimulus package para tuluyang mapaangat ang ekonomiya.
Pero iba naman ang numerong prinisinta ng Department of Finance, posibleng P140 bilyon lamang daw.

Siyempre, ating susundin kung ano ang sasabihin ni Pangulong Duterte. At ang magandang pagkakataon ay ang pagharap niya sa joint session ng Kongreso sa Lunes. Dito iuulat ng Punong Ehekutibo ang kalagayan ng bansa, ang agenda ng pamahalaan para sa susunod na taon at ang magiging marching orders sa Lehislatura. Makinig tayo sa makasaysayang SONA ng Pangulo.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.