Una sa Balita

Matapos ang Asiad: Vargas, POC pokus sa SEAG

Pukpok ulit!

By
0 132

Palembang City — Maski naging sorpresa ang pagsikwat ng Pilipinas ng 4 na gold medal para sa magandang finish sa loob ng tatlong edisyon sa 12 taon, marami pa ring dapat na ayusin sa mga bagay kaugnay sa pagwawakas kagabi ng 18th Asian Games 2018 sa Jakarta City at sa lungsod ding ito ng South Sumatra, Indonesia.

Umupo ang mga Pinoy sa ika-19 na puwesto sa 37 bansang mga nakamedalya mula sa 45 mga naglabo-labo sa loob ng 16 na araw noong Agosto 19-Setyembre 2. Salamat sa lakas ng mga eba na sina weightlifter Hidilyn Diaz, golfers Lois Kaye Go, Bianca Pagdanganan at Yuka Saso (team). Sapo rin ng huli ang individual.

Naka-2 silver din at 15 bronze medals pa ang Nationals sa tuwing 4 na taong paligsahan na kilalang Asian Olympics at pangalawang pinakamalaki sa mundo tapos ng Summer Olympic Games, na rito’y napaboran ang punong abalang Indonesians at natupad ang kagustuhang pan-5 puwesto dahil sa 31 gold na nasakote, 15 ang buhat sa tradisyon nilang pencak silat, isang subjective sport.

Maraming trabaho ang nakaabang para sa Philippine Olympic Committee at sa mga national sport association pagbalik ng bansa ngayon kahit nalampasan ng Team PHL ang mga tinapos na 3-4-9 sa Guangzhou AG at 2014 Incheon Asiad.

“I realized that despite the improved performance, there are so many things that we still need to do,” bigkas ni POC president Victorico Vargas, habang palapit ang pagbaba ng tabing ng kompetisyon, unang pinagkaabalahan na rin ng Indonesia noong 1962.

“By all indications, the Asian Games was a success for Team Philippines — total medal count improved, gold count quadrupled,” hirit pa niya. “The ranking went up from 22nd to 19th, although short of the goal of 15th, but still acceptable.”

Pero hindi rin aniya na indikasyon ito na hinog na ang bansa para sa overall championship ng 30th Southeast Asian Games 2019 sa Nobyembre 30-Disyembre 10 sa Capas-Tarlac, Subic Freeport, at Metro Manila.