Una sa Balita

Matalim na ngipin ng GAB isinulong

By
0 663

Positibo si Games and Amusement Board (GAB) chairman Abraham Kahlil B. Mitra na higit na mabibigyan nang maigting na kapangyarihan ang kaniyang ahensiya na sumasaklaw sa lahat ng professional sports sa bansa kapag naisabatas ang House Bill 4843 o ang ‘Games and Amusement Board Act’.

Ang naturang bill ay iniisponsoran nina Bicol Rep. Rodel M. Batocabe at Quezon City Rep. Winston ‘Winnie’ Castelo.

“Now, we are seeking the help and support of the Senate to sponsor the same bill, gaya ng sa Kongreso para mas mapabilis ang pagsasabatas nito,” wika ni dating Palawan congressman Mitra.

Puntirya ng HB 4843 na mapalawig ang kapangyarihan ng GAB sa aspeto ng pag-regulate sa lahat ng pro sports at matuldukan ang lahat ng uri ng iligal na gawain tulad ng mistmatching sa boxing, iligal na bookies sa horseracing, paglaganap ng bistadong on-line sabong betting at ang paggamit ng droga ng mga atleta.

Sa kasalukuyang mandato ng GAB, walang maigting na awtoridad ang ahensiya para sapat na mapatupad ang programa laban sa iligal na bookies gayundin ang online sabong betting.

Ilan sa nakasaad sa isinusulong na batas, “The board shall have the power to hear and decide any matter, controversy, or dispute arising from this act’, including (1) To summon parties, issue subpoena or require the production of such books, papers, contracts, record or other documents as may be necessary for the determination and adjudication of any matter under investigation, (2) To impose administrative sanctions and fines.

Kaugnay nito, malugod ring ibinalita ni Mitra na tumaas ang revenues sa horseracing na nakolekta ng ahensiya kahit na mas mababa ang bilang ng mga karera sa taong 2017.

Sa pagkakaloob naman ng lisensiya at permit ng GAB, tumaas sa 534 buhat sa 428 ang nabigyan ng permits sa taong 2017 at 1,735 sa 1,160 ang nahatagan ng lisensiya. Gayundin nakalikom ang ahensiya ng P3,415,088 mula sa P2,326,292.00 sa taong 2016.