Una sa Balita

Matagal magkaroon

By ,
0 55

Magandang araw! Hindi normal ang period ko. Minsan kasi tatlong buwan bago ako magkaroon. May asawa na ako. — Name withheld.

***

Ang normal na mens ay dumarating every 21 to 35 days. Tumatagal ito nang dalawa hanggang pitong araw. Kapag nawawala ang mens, ang tawag dito ay amenorrhea.

May dalawang uri ng amenorrhea: primary at secondary. May primary amenorrhea ang babae kapag hindi pa siya nagka-mens sa edad na 16. Sa secondary amenorrhea, normal ang mens sa umpisa pero nawawala ito at dumarating lamang kada 3 buwan o higit pa.

Kadalasan ang sanhi ng secondary amenorrhea ay pagpapasuso, menopause at paggamit ng ilang birth control methods. Ang ibang dahilan nito ay hormonal imbalance, sakit sa thyroid gland, sobrang exercise, tumor sa obaryo at utak, stress, depression, biglang pagtaba o pagiging mataba, kulang sa pagkain o pagbaba ng timbang. Magpatingin sa doktor upang malaman ang problema mo.

***

Matagal na akong may an-an. Pabalik-balik ito at marami na akong gamot na nasubukan. Ano ang maipapayo mo? Mukhang namana ko ito. Salamat! — Eden ng Obando.

***

Hindi namamana ang an-an na kilala rin sa panga­lang tinea versicolor or tinea flava. Hindi rin ito nakakahawa o nakukuha sa ibang tao. Ito’y isang fungal infection na madalas makita sa mga tropical countries tulad ng Pilipinas. Galing ito sa isang yeast na nakatira sa balat.

Kapag dumami ito dahil sa mainit na panahon, labis na pamamawis at malangis na balat, nagkakaroon ng light o dark patches ang balat lalo na sa balikat at trunk. Mas nakikita ang tinea flava kapag nagbilad ka sa araw.

Kahit sino ay pwedeng magkaroon nito pero ang mga karaniwang biktima nito ay teenager at young adults dahil oily ang skin nila. Sa mga taong hindi nakatira sa tropical countries, nawawala ito kapag malamig ang panahon.

Kung mild lang ang sakit mo, pwedeng guma­mit ng over-the-counter anti-fungal products tulad ng shampoo na may one percent selenium sulfide o cream o ointment na me­rong miconazole, clotrima­zole o terbina­fine. Bago gamitin ito, hugasan at patuyuin ang balat. Lagyan ng manipis na cream o ointment ang balat isa o dalawang bases sa isang araw hanggang dalawang linggo. Banlawan ang shampoo pagkalipas ng lima hanggang sampung minuto.

Kung walang pagbabago pagkalipas ng apat na linggo, kumunsulta sa isang dermatologist para mabigyan ka ng mas malakas na gamot. Halimbawa nito ay ciclopirox cream, gel o lotion, fluconazole tablets, itraconazole capsules o tablets, ketoconazole cream, foam, gel, shampoo o tablets, at selenium sulfide 2.5 percent lotion o shampoo.

***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag-e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com o mag-text sa 09359720691. Sasagutin ni George ang problema mo rito. Si George ay National Press Club at Philippine Dental Association awardee at author ng 3 health books.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy