Una sa Balita

Mataas na opisyal ng BIR tinangkang kidnapin pero nakaligtas

0 263

Alam n’yo ba PNP chief Gen. Oscar Albayalde na isang mataas na opisyal ng Bureau of Internal Re­venue (BIR) ang tinangkang kidnapin pero nakaligtas dahil wais at alam ang gagawin sa oras ng kagipitan?

Ayon sa aking bubwit, nagmamaneho ng kanyang kotse ang isang RDO o revenue district officer ng BIR sa EDSA Southbound lane sa pagitan ng Quezon Ave. at Timog Ave. noong Lunes after office hours nang bigla s’yang i-cut sa harapan ng isang sasakyan at isa namang Starex van ang biglang sumalpok sa likuran ng kanyang kotse.

Ayon sa aking bubwit, na-sandwich si RDO ng sasakyan sa kanyang harap at likod, na sikat na style o paraan ng kidnapping. Matindi ang suspense nang mga sandaling iyon, siguradong binalot ng takot si RDO at kung ano-ano ang nagkakarera sa isip n’ya nang mga oras na ‘yun.

Alam n’yo ginawa ni RDO na inipit ng dalawang sasakyan at ‘yung isa binangga pa s’ya? Mabilis na nagmaniobra si RDO palayo sa umipit sa kanyang mga sasakyan at humarurot papunta sa QCPD Station 10 sa EDSA cor. Kamuning at humingi ng police assistance. Hindi s’ya hinabol ng kidnappers.

Nakaalpas si RDO sa kidnappers, sa tiyak na kapahamakan at sa napakalaking ransom, dahil listo s’ya at memor­yado ang tips ng PNP para makaiwas sa kidnapping. Ang nangyari kay RDO sa EDSA noong Lunes ang ikatlong kumpirmadong kaso ng kidnapping at attempted kidnapping sa RDO, na ‘yung iba ay binabalik-balikan pa ng masasamang loob dahil siguradong magbibigay ng malaking halaga.

Nakarating na kay Pang. Duterte na ‘suki’ng kidnappers ang ilang RDO at pinakilos na n’ya si Gen. Albayalde na tugisin ang sindikato, na ilang ulit nang kumidnap sa isang babaeng RDO at may RDO rin na inakyat-bahay at tinangayan ng milyon-milyong cash.

Ang RDO ng BIR na tinangkang dukutin sa EDSA noong lunes pero alam ang gagawin sa oras ng peligro kaya nakaligtas ay si RDO ‘RS’.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy