Una sa Balita

Mataas na bilang ng mga teenage pregnancy, tugunan

By
0 633

Ang maagang pagbubuntis ng ating mga kabataan ang isa sa mga maiinit na isyung pangkalusugan na para­ting dinudulog sa a­king tanggapan. Ayon sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), kada oras tinatayang 24 na sanggol ang pinapanganak mula sa mga kabataan o teenager.

Nakakalungkot sapagkat karamihan sa mga kabataang ito, na dapat sana ay nag-aaral at naghahan­da para sa kanilang mga kinabukasan, ay biglang natitigil ang buhay upang alagaan ang kanilang mga anak. Nagiging nanay at tatay sila sa maagang panahon at pilit na pumapa­san ng responsibilidad na hindi nila napaghandaan.

Ang maagang pagbubuntis ay talaga namang may kaakibat na pasanin lalo na para sa mga kababaihang teenager.

Karamihan sa kanila ay tumitigil na sa pag-aaral at hindi na kumukuha pa ng skills training. Binabaon nito ang mga batang kababaihan sa hirap ng lipunan.

Gayundin, nalalagay sa peligro ang kanilang mga buhay dahil sa hindi sapat na kaalaman sa kanilang kondisyon, hindi sapat na nutrisyon, at ang hindi kahandaan ng kanilang katawan sa maagang pagbubuntis na nagdudulot ng samu’t sa­ring sakit.

Noong 2012, 600 mula sa 1,719 na batang nanay ang namatay dahil sa kumplikasyon ng panga­nganak. Ang mas lalong nakakasakit ng loob, mas bata ang edad ng nanay, mas mataas ang peligro sa ipinagbubuntis.

Dahil dito, naghain ako sa Senado ng panukalang batas na nagnanais solus­yunan ang problema ng maagang pagbubuntis ng ating mga kabataan.

Ang Senate Bill No. 1482 o mas kilala bilang ‘An Act Provi­ding For A National Policy On Preventing Teenage Pregnancies, Institutiona­lizing Social Protection for Teenage Parents, and Providing Funds Therefor’ ay naglalayon na pababain ang lumolobong datos natin sa isyung ito.

Ninanais ng panukalang ito na magkaroon ng komprehensibong edukasyon ang ating mga kabataan. Dapat ito ay age at development appropriate at gagawing mandatory sa lahat ng paaralan. Ang edukasyong ito ay dapat medically-accurate at walang diskriminasyon.

Nakapaloob din sa panukalang ito ang pagbibigay ng social protection services sa mga kabataan na nagbubuntis tulad ng tulong medikal para masiguro na magiging maayos ang kalagayan ng mag-ina. Ipinag-uutos din nito na hindi puwedeng patalsikin sa paaralan o tanggihan ng paaralan sa pag-e-enroll ang mga buntis na mga estudyante.

Nakasaad din dito ang mariing paghikayat sa partisipasyon ng mga kalalakihan upang matigil na ang paglobo ng teen pregnancy sa bansa. Ang isyung ito ay hindi nakasalalay lamang sa balikat ng mga kababaihan. Pantay na nakaatang ito sa lalaki at babae.

Dapat na arugain, tulungan at iangat ang ating mga kabataan. Kung patuloy na itatanggi ang kanilang karapatang mag-aral at hindi sila bibigyan ng serbis­yong pangkalusugan, para mo na ring tinapos ang kanilang kinabukasan.

Maaari nga silang nagbuntis o nakabuntis nang maaga ngunit hindi ito dahilan upang hindi sila puwedeng maging pag-asa ng ating bayan. Marami pa silang kaya at puwedeng abutin. Huwag nating ipagdamot ito sa kanila.
***