Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mataas, mababa ang dugo, ano ba talaga?

0 202

Taas baba, paikot ikot, kadalasan sinasabi o ikinakanta. Itong linggo, nalito sa sinabi ng kaniyang doktor ang ating reader. Nasabihan na mataas ang kaniyang dugo nang unang dumalaw at kumunsulta. Ginawan ng eksaminasyon, ngunit pagbalik ay mababa naman daw ang dugo niya? “Nakakalito, ano ba talaga ang kundisyon ko? Pwede pala yun, mataas pero mababa?“

Sa ganitong sitwasyon, nakakalito nga. Pero bago tayo mahilo, alamin muna natin ang tunay na datos at kalagayan. Tunay na dugo ang pinaguusapan, ngunit magkaiba ng elemento. Ang sinasabing mataas ay ang presyon ng dugo o blood pressure (BP). Ito ang tinatawag na hypertension. Nalalaman ito sa pamamagitan ng blood pressure apparatus o sphygmomanometer. Mayroong cuff na ipinapalupot sa braso, nakakabit sa isang rubber bulb at metro. Mayroon din namang mga automatik at digital na makakakuha ng pressure readings kahit magisa. Pinalolobo ang cuff at pagkatapos ay dahan dahan pinapawalan ng hangin. Ang unang pintig na madinig o matukoy ay ang systolic blood pressure, ang kahulihan naman ay ang diastolic blood pressure. Kaya dalawang numero ang makikita. Ang average na normal na blood pressure ay 120/80mmHg. Ito ay mula 90 hanggang 140/60 hanggang 90. Oras na bumaba sa 90/60mmHg, mayroong low blood pressure. Kung mas mataas naman sa 140/90mmHg, mayroong high blood pressure. Maaaring may mga kaakibat na sintomas pag mataas, gaya ng pananakit ng ulo at leeg, pagkapagod, problema sa paningin, pagdugo ng ilong, pananakit ng dibdib, pati paghirap ng paghinga. Madaming kundisyon din ang pwedeng magpataas ng blood pressure, ngunit ang pangkaraniwang kilos at galaw ay nagpapataas din nito. Sa ganitong dahilan, kailangan nakapahinga ng kahit 10-15 na minuto bago kunan ng BP at kung sakaling kakain lang ay palipasin ang isang oras. Hindi rin dahil sa nakitaan minsan ng pagtaas ay may hypertension na. Inoobserbahan muna ng isang linggo, kinukunan ng BP kahit 2 beses sa isang araw at isinusulat sa papel at saka titingnan pagkatapos kung talagang mas madalas ang pagtaas nito o minsanan lang.

Sa kabilang banda naman, ang sinasabing mababa ay maaaring ang bilang ng dugo sa complete blood count o CBC. Kinukunan ng dugo ang pasyente at sinusuri ng mga medical technologists sa laboratory. Tinitingnan nila ang pagkapula ng dugo. Kabilang dito ang hemoglobin (Hgb), hematocrit (Hct) at red blood cell count (RBC). Ang mga normal values nito ay magkaiba sa babae at lalaki. Ang mga sumusunod ay sa mga babae: Hgb 120-155 gm/dl, Hct 36-48%, at RBC 4.2-5.4 mil/mcL. Sa lalaki naman: Hgb 13.5-17.5 gm/dl, Hct 41-50%, at RBC 4.7-6.1 mil/mcL. Ang pagkakaiba ay may kinalaman sa menstral cycle ng mga kababaihan kaya mas mababa ito kumpara sa mga lalaki. Mapalalaki man o mapababae, kung bababa dito ang resulta, ito ay anemik. Maputla ang pagkapula ng dugo. Maaari din makita ang ibang sintomas kapareho ng may hypertension.

Kaya maaring masabihan na mataas at mababa ang dugo ang isang tao. Ganunpaman, mainam na humingi ng paliwanag sa inyong doktor para hindi kayo malito.

Hanggang sa susunod ! Stay Healthy! Stay safe!

J. RYLAN G. FLORES, MD ay isang orthopaedic surgeon, nutrigenomics practitioner at DNA profiler, fellow ng International College of Surgeons at Philippine Academy of Medical Specialists. Siya ay matatagpuan sa De los Santos Medical Center. Speaker sa iba’t ibang talakayan (medical man at iba pa, dito at internasyonal). Isang personalidad sa pelikula, telebisyon, radio (mapapakinggan sa Kalusugan Kakabilib sa DWIZ882 tuwing linggo 11am-12nn) at Doc Rylan Facebook Live tuwing sabado 7pm. Sundan sa twitter@rylanflores, gamitin ang hashtag na #docquestion at Facebook sa Doc Rylan para sa mga komentaryo at katanungan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.