Una sa Balita

Mata, tiyan tiyak busog sa biyaheng Pampanga!

0 299

Samahan ninyo akong muli sa pangatlong paglalakbay sa norte! Para sa manyaman at mahilig kumain na talaga namang mapapa trip mo, trip ko! Dito lang ‘yan sa Lalawigan ng Pampanga! Mekeni mga kababayan!

Isa ang mga Kapampa­ngan sa masarap magluto sa buong bansa. Kaya naman hindi maikakaila na sila lang naman ang pinagmulan ng mga lutong sikat at patok sa panlasang Pinoy. Bukod sa masasarap nilang pagkain, mabubusog din kayo sa mga bayan nilang may mga magagandang tanawin at pasyalan.

Dalawa at kalahating oras na biyahe ay mararating niyo na ang Pampanga mula sa Maynila. Kung NLEX ang daan, pumasok kayo sa bayan ng San Fernando.

Tulad ng naisulat ko sa huli kong column, bawat lugar ay mayroong kasaysayan kung saan magandang pasyalan para muling balikan at makilala nang lubos ang isang lugar.

Kaya maaari ninyong unahin ang Clark Pampanga na dating base militar ng mga Amerikano kung saan madami na rin kayong puwedeng pasyalan.

Isa na rito ang Nayong Pilipino na kilala ring Philippine Village, kung saan makikita ninyo ang iba’t ibang klase ng kultura, heritage at likas na atraksyon.

Dinarayo rin ng mga turista ang Philippine International Balloon Festival kung saan iba’t ibang makukulay na hugis ng lobo ang tampok dito na ginaganap sa Lubao, Pampanga kaya naman markahan niyo na ang inyong mga kalendaryo sa susunod na summer.

Ramdam niyo na rin ba ang simoy ng Kapaskuhan? Maaari rin ninyong idagdag sa listahan ang Paskuhan Village sa San Fernando dahil kilala rin tayo sa may pinakamahabang pagdi­riwang ng Kapaskuhan sa buong mundo.

Dito niyo rin matatagpuan ang higante at naggagandahang mga parol kung saan nagpapaligsahan ang bawat bayan dito sa Pampanga na dinaraos sa San Fer­nando.

Matatagpuan din ang simbahan na ginawa noong 1754 hangang 1770 na nilikha ng Baroque architecture. Ang pinto ng simbahan ay ini­lalarawang ‘Gates of Pa­radise’. Ang kisame naman nito ay ginawa ni Simon Flores upang magmukhang 3 dimensyonal. Ito ay ang St. James the Apostle Church na mata­tagpuan sa Guagua, Pampanga.

Kung ang trip naman ninyo ay natural park na mayroong swimming pools, picnic huts, recreational halls at natural spring water na nanggagaling sa bundok, pagplanuhan niyo na ng mga kabarkada o kapamilya ang Mt. Arayat Natio­nal Park na matatagpuan sa Barrio Bano, Arayat, Pampanga.

Sakto naman ang Miyamit Falls ng Barangay Sapang Uwak sa bayan ng Porac para pampawi naman ng init at pagod sa buong linggong trabaho at biyaheng sobrang trapik. Swak ang lamig ng tubig mula sa falls na maaari kayong magbabad sa tubig habang nakikita ang mga halamang berde sa buong paligid na nakaka-relax naman sa mata.

Nangunguna naman sa listahan ng ulam o pampulutan ang sisig sa nasabing lalawigan. Huwag niyo rin palagpasin ang putaheng ‘burong bulig’ ng mga Kapampa­ngan kung saan ang mga pangunahing sangkap tulad ng kanin, isda o hipon ay binuburo.

Kung ang mga Espanyol ay may paella, dito sa Pampanga meron naman silang bringhe na dapat ninyong matikman! Ang bringhe ay may sangkap na malagkit na bigas na hinahaluan din ng regular na bigas at lalong pinasarap dahil sa sangkap na native na manok, gata at luyang dilaw.

Kompleto na naman ang TRIP MO, TRIP KO ngayong weekend dahil ang Pinoy, hindi kailanman mauubusan ng pagtuklas ng mga sari-saring pagkain kasabay ang masayang paglalakbay.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy