Una sa Balita

Masiste

By ,
0 263

Nadidinig ko na ang salitang ‘masiste’ sa magulang ko noong bata pa lang ako. Masiste raw si ganoon at ganitong tao. Dahil bata, hindi pa gagap ng pang-unawa ko ang pinag-uusapan. Masiste pero hindi ko maintindihan.

Nang tumanda na lamang ako at nagkainteres sa wika at panitikan nang maunawaan kong ang masiste ay nangangahulugan ng palabiro o masaya. Masiste o siste. Buhat sa sali­tang Español na ‘chiste’, biro o joke sa Ingles.

Idinadaan din ng marami sa atin sa biro ang sensitibong usapin ng politika at pamamahala. Biro din ang madali nating kanlungan sa tuwing nahihirapan. Idinadaan natin sa biro dahil lubhang malungkot kung seseryosohin.

May stereotyping lang tayo na ang kabaligtaran ng siste ay seryoso. Mali, may seryosong biro. Wika nga, kapag idinaan sa biro, half-meant ang mensahe. Makatotohanan. Hindi lang maderetso.

Samantala, may mga usaping mahirap idaan sa biro. Halimbawa ang isyu ng pag-aalis ng mga asignaturang Filipino at Literatura sa kolehiyo sanhi ng ruling ng Supreme Court (SC) na nagdedesisyong constitutional ang CMO 20 s. 2013 ng Commission on Higher Education.
Isinasaad ng desisyon ng SC na wala sa ‘core subjects’ sa kolehiyo ang Filipino at Literatura.
Kaugnay nito, at bilang tagapangulo ng Departmento ng Literatura ng Unibersidad ng Santo Tomas, nais kong ibahagi ang aming kolektibong pahayag hinggil sa usapin:
“Nalulugod ang Departamento ng Literatura sa pagkilala ng tagapamahala sa mabunying tradis­yon ng kagalingan sa Wikang Filipino at Panitikan ng Unibersidad ng Santo Tomas. Bunga nito ay ang pananatili ng mga asignaturang Literatura at Filipino sa Unibersidad na humuhubog sa Tomasino hindi lamang para ma­ging magaling sa kaniyang piniling larangan kung hindi maging sa kabuuan ng kaniyang pagkatao. Ito ang pundasyon ng edukasyong dulot ng res­ponsableng unibersidad.

Samantala, nais na­ming ipahayag ang pagkalungkot at pagtutol bilang pakikiisa sa ibang alagad ng Literatura at Wikang Filipino sa akademiya sa bansa. Hindi masusukat ang pinsalang magagawa ng desisyon ng Korte Sup­rema sa mga darating na henerasyon.

Ang desisyong ito ay hindi lamang isang simpleng usapin ng constitutionality, hindi lamang simpleng usapin ng pagtatanggal ng ‘core subjects’ sa kolehiyo, hindi lamang usapin na kesyo meron na naman ka­sing Filipino at Panitikan sa senior high school. Ang usaping ito ay nangangahulugan din ng pagtatanggal sa kakayahang umunawa at magpakatao dulot ng pag-aaral ng komplikasyon ng ating wika—at kung paano ginagamit at umiiral ito—at pag-aaral sa teksto at konteksto ng panitikan sa mga sasailalim sana sa higit na mataas na pag-aaral.

Tinatanggal ng desisyon ng Korte Suprema ang isang mabisang lunsaran ng pagkakaroon ng kritikal na pag-iisip, ng maayos na pakikipag-ugnayan sa kapwa, ng marubdob na pag-unawa at pagpapahalaga sa buhay.

Hangad namin ang pagkakaroon ng commitment ng administrasyon ng ibang kolehiyo at unibersidad sa bansa na ituloy ang pagkakaroon ng mga asignaturang Lite­ratura at Filipino tulad ng ginawa ng Unibersidad ng Santo Tomas.”

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy