Una sa Balita

Masigasig na mga imbestigador

By
0 3

Tatlong senador ang nagtititilaok at gustong imbestigahan nang husto ang hiling ng adminstrasyong Duterte na mabigyan ng emergency powers.

Ang tatlo ay dating mga dabarkads ni PNoy. Maaalala na sa loob ng anim na taon ng administrasyong Aquino, nagsulputan ang napakaraming iskandalo tulad ng DAP at PDAF… at mga kapalpakan tulad ng Mamasapano Massacre at ang pagbu-bully ng China.

Habang ang mga ito ay nangyayari, nasaan ang tatlong masigasig na imbestigador?

Tameme at sunud-sunuran lang sa anumang pakulo, paliwanag o palusot ng dating nakaupo at ng mga alipores niya.

At ngayon, nagpapapansin ang tatlong bugok.

Hoy, ang emergency powers na hinihiling ay para lamang malutas ang matinding trapik sa Metro Manila.

Tama na ang pag-epal ninyo. Napanood na namin ‘yan!

***

Ang dating seksing-seksing pantasya ng ba­yan… magpapakasal na — sa kababatang kapwa babae.

Nakatakdang magpaka­sal ang artistang si Rosanna Roces kay Blessie Arias sa Canada kung saan ligal ang same sex marriage.

Ayon kay Osang, ayaw niyang tumandang walang kasama sa buhay at sa kama.

***

Hula who. Malapit nang damputin ang dalawang mga “celebrity” na nasa listahan ng mga pasaway. Mukhang ang dalawa ay sangkot sa pagtulak ng bawal na droga sa ilang lugar na siyang pag-aari nila. Ang isa ay napakasikat na TV host. ‘Yung isa naman ay kolumnista na sinusundan ng mga taong high society at pati mga “trying hard”.

Sabi nang marami sila ay parehong “BI” (bad influence) at maraming mga batang menor de edad ang nagiging biktima ng kanilang patok ngunit patagong “negosyo”.

Sori, pero sa eksenang parating na… hindi puwedeng sumigaw nang “cut muna, direk…”

***

Sampung mga bagong salita sa Pilipino na hindi ninyo pa marahil nakaka-enkwentro (ayon sa Miriam­-Webster dictionary)

1. Pook-sapot – website
2. Sulatroniko – email
3. Pang-ulong hatinig – headset
4. Panginain – browser
5. Pantablay – charger
6. Miktinig – microphone
7. Duyog – eclipse
8. Bilnuran – arithmetic
9. Anluwage – carpenter
10. Asoge – mercury
Ano kamo?

***

Huling hirit. Bakit lumala nang ganito? Halos kalahating milyong drug pushers at users na ang sumuko na sa awtoridad para hindi pa magkakomplikayon ang kanilang pagkasangkot sa bawal na droga.

Napakaraming Pilipino niyan. Problemang talamak pagka’t sa loob ng anim na taon ng dating administrasyon, walang programa o matinding pagnanais na sugpuin ang problema sa illegal drugs. Ang inuna ay ang paghihigante sa kalaban at pagbigay-gatimpala sa mga kaibigan.

Leche! Mapapamura ka.