Una sa Balita

Masayang pagbabalik-Pinas

By
0 18

Sinalubong kahapon ng mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration at Department of Foreign Affairs (OWWA-DFA) ang 114 na undocumented at distressed overseas Filipino worker (OFWs) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) na magkasunod na dumating mula sa Bahrain at Riyadh sa Pasay City kahapon ng umaga.

Dakong alas-10:30 ng umaga nang dumating ang unang batch na 39 ng OFW na sakay ng Philippine Airlines flight PR-655 sa NAIA Terminal 1 galing nang Riyadh.

Habang bandang alas-11:35 ng umaga ay sumunod na dumating ang pangalawang batch na 75 na ofw sakay naman ng Gulf Air flight GF-154 sa terminal 1 na galing ng Bahrain.

Mismong si OWWA Department Administrator for Operations Chief Brigido Dulay ang sumalubong sa mga OFWs at pina­ngakuan ang mga ito na tutulungan sila sa kanilang pagdating sa bansa.

Ayon kay Dulay, ang mga naturang bilang na mga Pinoy workers na dumating ay kabilang parin sa mga napagkalooban ng amnestiya ng gobyerno ng Saudi Arabia.

Aniya, tuluy-tuloy pa rin dumarating sa Pilipinas ang mga OFWs na undo­cumented na nabigyan ng amnestiya at ito ay bahagi pa rin ng kabuuang ng 7,000 mga undocumented OFWs na nagpasailalim sa amnesty program ng Saudi govt.

Sinabi pa ng opisyal na ang mga dumating na mga manggagawa kahapon ay pansamantalang tutuloy sa halfway house ng nasabing ahensiya habang ipino-proseso ang kanilang mga benipisyo na ipakakaloob ng owwa at nang DFA.

Samantala makikita naman sa kislap ng mga mata ng mga OFWs ang kasiyahan ng pagdating nila kahapon sa bansa.

Isa na dito si ‘Lilibeth’ na masayang-masaya siya nang siya ay nakasama sa amnesty program ng Saudi Arabia.

“Hindi na po ako ka­kaba-kaba ngayon dahil, andito na po ako sa sarili kong bansa.

Maraming hindi magandang nangyari sa buhay ko doon sa Riyadh bilang isang domestic helper” ani ni Lilibeth.

Kuwento ni Lilibeth, marami siyang naging amo doon sa Riyadh bilang domestic helper ngunit naging masaklap ang nangyari sa kanya doon at hindi siya nakatagpo ng mabait na employer kaya nagpasya siyang mag- apply ng amnesty program para makasama siya sa pag-uwi dito sa Pilipinas.

Sa ngayon si Lilibeth ay nanatili sa halfway house ng OWWA at hihintayin na lamang ang kanyang pag-uwi sa kanilang probinsiya sa Bicol sa tulong ng OWWA.