Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Masama na bang maging disente

0 178

May mga panahong noong narito pa sa Pilipinas ang aking kaibigang si Irineo “Budoy” Salazar, isang Aleman-Pilipino, ilang dekada na ang nakararaan, minsan siyang nababansagang kanluranin o hindi totoong Pilipino dahil siya raw ay masyadong maginoo. Ang mga Pilipino raw ay hindi moralista. At ang mga maayos magsalita ay tinatawag na masyadong disente at tinatawanan bilang paimbabaw.

Ngayon, napansin niya na ang mga parehong tao na ito ang nagrereklamo kung bakit ang mga Pilipino ngayon sa “social media” ay agresibo, masakit magsalita, palaaway at sinusuportahan ang mga personalidad, influencer o lider na maangas o pang PG ang pananalita.

Tila parang nagigitla daw ang mga ito sa mundo na sila na lamang daw ang disente. Napagtanto pala na hindi ito maganda. Pero paano ba tayo napunta sa ganitong sitwasyon? Dalawang bagay ang aking nakikita batay sa ating karanasang pangkasaysayan.

Una, may mga iskolar tulad nang nabanggit sa itaas na kapag pinansin mo ang ginagawang mali ng Pilipino ay ipagtatanggol nila ito sa pagsasabing hindi lamang sila nakakaintindi ng kulturang Pilipino, ergo, Kanluranin. Inaamin kong may tendensiya akong ganito. Naging simplistiko tayo sa pagsasabing kapag nagpapakita ng kaangasan ay nagpapakatotoo, habang ang may paggalang ay hinahamak. Totoo namang may mga kapintasan tayong lahat subalit bakit kapag may bata ay ayaw pa rin nating iparinig ang ating pagmumura? Kasi ayaw nating matutuhan ng mga batang ito sa maagang edad ang pagmumura dahil itinuturing pa rin natin itong kawalan ng modo.

Ikalawa, may pananaw na maraming mga lider natin sa nagdaang mga dekada ang gumamit sa mga konseptong ikinabit sa disente—tulad ng pagiging demokratiko—ngunit ginamit lamang ang demokrasya sa kanilang sariling pakinabang. Lahat ito ay tinawag nating elitista. At ikinabit ang elitismo sa pagiging disente. Gayundin, dahil sa hindi naging epektibo ang galawan ng ilang nagpakilalang disente, ikinabit ang pagiging disente sa pagiging tamad o hindi epektibo. Kaya hinanap natin ang kabaligtaran ng lahat ng ito at iyon ang ating dinakila at pinalakpakan.

Ngunit kung paniniwalaan natin ang dikotomiya ng disente vs. nagpapakatotoo, parang pinaniniwalaan natin na komo ordinaryong mamamayan o nasa masa ay arogante na o barubal. Alam nating hindi. Madalas ang mga barubal sa social media, sa totoong buhay ay maayos namang kausap. Makikita na magalang naman ang karamihan nang makakasalamuha mo mula sa bayan. Hindi rin masasabing tunay na Pilipino ang pagiging walang modo dahil sa lahat ng bansa mayroon talagang magagalang at mayroong walang modo. Kaya maling dakilain ang mga walang modo bilang salamin ng tunay na Pilipino.

Lahat tayo ay may mga kapintasan pero maraming Pilipino ang nilalagay ito sa lugar. Hindi nararapat ang demonisasyon ng disente. Pero kailangang may mga taong tingalain tayo na bagama’t may modo ay magaling at epektibo rin, para hindi natin laging sinasabi, “Ok lang kung wala siyang modo, action man naman.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.