Una sa Balita

Masakit na para kaming saling-pusa! — Tubid

By
0 659

SA mga nakaraang laban ng Columbian Dyip, parang nasa punerarya ang mga player. Halos walang imikan; gusto ng lahat na makapaligo na at makauwi na sa kani-kanilang pamil­ya.

Nagbago ito nuong nakaraang Biyernes nang pabagsakin ng Dyip ang Rain or Shine sa iskor na 100-84. Ito ang ­unang panalo ng Dyip sa Governors’ Cup kaya ang feeling ng lahat, parang nanalo sila ng championship.

“Sarap ng feeling ng manalo,” ani Ronald Tubid, 37, isa sa mga beterano ng koponan. Isa siya sa mga manlalaro ng San Miguel Beer na napunta sa Columbian nang i-trade ng koponan ang top draft pick nuong nakaraang taon. Ang top draft pick ay walang iba kundi si Christian Standhardinger.

Masaya rin ang mga manlalaro ng koponan dahil nakapagtala ng unang panalo ang koponan sa ilalim ng kumpas ni coach Johnedel Cardel sa kanyang rookie season.

At ang nasabing panalo ay tiyak na magiging motivation para kay Tubid at sa iba pang mga manlalaro ng Columbian.
Ang siste kasi, ayon mismo kay Tubid, ang tingin ng ibang mga koponan, parang hindi kasali ang Columbian sa PBA. Parang saling-pusa, sabi nga d’yan sa kanto.

“Alam naman natin na underdog kami. Kaya lahat ng teams na ‘yan, kapag kami ang kalaban nililista na nila (ang panalo),” ani Tubid. At masakit ito para sa isang manlalaro na pitong beses nang nanalo ng titulo.

Magiging wake-up call kaya sa koponan ang sentimyento ni Tubid, na tiyak na sentimyento din ng ibang mga manlalaro ng koponan?

Dahil kung sa kanila napunta si Standhardinger, nakakasiguro akong maski papaano ay hindi lang isang panalo ang kayang itala ng koponan.

Ang tanong nga­yon: Muli kayang iti-trade ng koponan ang kanilang top pick sa paparating na rookie draft?
Kamakailan ay sinabi ng liga na sa 2019 season ay hindi na papayag ang board of governors na i-trade ng isang koponan ang top draft pick. Ibig sabihin, kung gusto ng ­Columbian na i-trade ang top draft pick sa taong ito, ­puwede pa rin. Gagawin kaya itong muli ng ­koponan?

Sabi nga ng marami, hindi dapat saya­ngin ng Columbian ang mga manlalarong puwedeng mapunta sa kanila galing sa PBA draft. Ito’y kung gusto talaga ng koponan na magpalakas at maging competitive.
Ang tanong… bow!

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy