Una sa Balita

Masakit ang tuhod

By
0 68

Saan ako magpapatingin kasi sumasakit ang aking tuhod dahil nabangga ako ng bisikleta? — Name withheld

Pumunta sa primary care doctor o internist para malaman kung gaano kalubha ang problema. Kung bata ka pa at walang ibang sakit, kailangan mo lang ng pahinga, yelo, stretching exercises at over-the-counter painkiller o anti-inflammatory medicines para mawala ito. Kung sakaling malaki ang pinsala, papapuntahin ka sa isang sports medicine doctor o orthopedic doctor para gumaling ito.

***

Ano ang gamot sa bukol sa talampakan? Ganito ang problema ng kaibigan ko. Masakit na daw ito. — Jody ng Taytay

Magpatingin muna sa isang foot doctor o podiatrist para malaman ang dahilan nito. Maaring meron kang plantar fibromatosis, isang bihirang sakit kung saan nagkakaroon ng benign o non-cancerous tumors (plantar fibromas) sa talampakan. Makikita ito sa plantar fascia o mahabang tissue na tumatakbo mula sa sakong hangang sa daliri ng paa.

Hindi alam ang tunay na dahilan nito pero pangkaraniwan ito sa mga taong umiinom ng Dilantin (isang anti-seizure medication), sa mga matatanda, may diabetes, sakit sa atay, mahilig sa alak o sobrang paglalakad.

Ang isa pang dahilan ay lipoma. Tulad ng plantar fibromatosis, ito ay non-cancerous at madalas tumubo sa ilalim ng paa. Kung walang sintomas, pinababayaan lang ang mga sakit na ito. Kapag masakit o nakakaabala sa paglalakad, kailangan operahan ito.

***

Bakit sumasakit ang aking sikmura kapag umuubo? — Name withheld

Maaring sintomas ito ng bronchitis o dala ng sobrang pag-ubo. Subukan uninom ng cough suppressant tulad ng dextromethorphan. Gawin ito sa gabi para mahimbing ang pagtulog.

Kapag may kasamang plema ang ubo, uminom ng cough expectorant tulad ng guaifenesin. Pinapanipis nito ang plema para madaling ilabas. Sundin ang tamang dosage nito. Kapag walang nangyari at patuloy pa rin ang pag-ubo, magpa-checkup sa pulmonologist o lung specialist.

***

May problema ka ba sa kalusugan? Nais mo bang maliwanagan sa sakit mo? Mag e-mail kay George Nava True II sa georgenavatrue@yahoo.com o mag-text sa 0935-972-0691. Sasagutin ni George ang problema mo dito. Si George ay National Press Club at Philippine Dental Association awardee at author ng 3 health books.