Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Mas pinalakas na polisiya kontra human trafficking isinusulong

0 164

Kamakailan, inihain ng inyong lingkod ang Senate Bill No. 1794 o ang ‘Eliminating Trafficking in Persons’ na layong patatagin ang Republic Act No. 9208 na una nang inamyendahan ng Republic Act No. 10364 o ang ‘Expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2012’. Hangad nitong palakasin ang mga pamamaraan ng pagtugis sa anumang uri ng human trafficking—kabilang na ang pornography, prostitusyon, pang-aabusong sekswal, forced labor at pagbebenta ng laman loob.

Mula kasi nang mag-lockdown dahil sa COVID-19 ay lumobo na ang mga kaso ng online sexual exploitation of children (OSEC) sa bansa. Ayon sa Office of Cybercrime ng Department of Justice (DOJ), umabot sa 279,166 mga kaso ng OSEC ang naitala mula Marso 1 hanggang Mayo 24. Lumalabas na mas mataas ito ng 264 porsyento (76,561 bilang ng mga kaso) kung ihahambing sa parehong petsa noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng nasabing panukala, maaaring magbigay ang Regional Trial Court ng pormal na kautusan upang siyasatin o i-rekord ang mga mensahe, datos at impormasyong nagmumula sa isang tao na pinaghihinalaan o nakasuhan na ng trafficking. Ngunit bago ito pahintulutan ng korte, dapat munang patunayan ng mga law enforcer o awtoridad na mayroong krimeng naganap, isinasagawa o ‘di kaya ay binabalak pa lamang. Maaari silang makulong ng hanggang 12 taon kung nagsagawa sila ng surveillance ng walang pahintulot ng korte.

Related Posts
SM SuperKidsDay Banner Ad

Mahalaga rin ang papel ng teknolohiya upang tapusin na ang krimeng ito lalo na’t sa pamamagitan nito ginagawa ng mga kriminal ang kanilang mga katiwalian sa mga inosenteng kabataan at kababaihan.

Sa naturang panukala, bibigyan ng mandato ng naturang panukala ang mga internet service providers o ISPs at tourism-oriented establishments na i-ulat at pigilan ang mga kaso ng trafficking. Halimbawa, tungkulin ng mga ISP ang pagharang sa anumang uri ng child pornography. Magiging tungkulin naman ng mga tourism-related establishments ang pagsasanay sa kanilang mga empleyado upang matukoy ang mga posibleng insidente ng trafficking sa kanilang mga pasilidad at mai-ulat ang mga ito sa mga awtoridad.

Napapanahon nang paigtingin ng ating pamahalaan ang batas na magsusugpo sa human trafficking sa ating mga kabataan at kababaihan. Nananawagan tayo sa mabilis na pagtugon at pagpapatupad ng naturang panukalang batas. Alang-alang sa kinabukasan ng susunod na henerasyon, dapat bigyan ito ng prayoridad.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.