Una sa Balita

Mas marami ang napraning sa Novel Coronavirus

0 316

Kahit saan ka pumaling sa panahong ito ay kabi-kabila ang makikita mong nakasuot ng face mask, hindi dahil sa nagkalat na ang 2019 Novel Corona Virus-Acute Respiratory Disease (nCoV) sa bansa, kung hindi marami na ang praning.

Kumpara sa mga adik sa shabu, mas marami sa ating mga kababayan ang napraning dahil sa sobrang takot na mahawa sa nCoV lalo na nang ideklara na ng Department of Health (DOH) na may nasawi na sa naturang sakit.

Sa dami kasi ng kabi-kabilang balita, kabi-kabilang komento, kasama na ang fake news sa social media ay tuluyan nang lumagablab ang balita patungkol sa pagkalat ng nCoV na dapat ay ang Department of Health lamang ang nagbibigay ng opisyal na pahayag.

Kung matatandaan ninyo, ay umabot sa 88 ang kumpirmadong binawian ng buhay habang 169 katao ang dinapuan ng meningococcemia sa buong bansa noong nakaraang taon ayon sa ulat ng DOH.

Ayon sa inilabas na datos ng DOH-Epidemiology Bureau, mula Enero hanggang Septyembre 21 noong nakaraang taon, ang ulat na 169 kaso ng meningococcemia na may 88 nasawi ay may case fatality rate na 52%.

At alam n’yo ba na inaasahan din ng DOH na hindi lalayo rito ang ilalabas nilang ulat para sa taong ito pero walang nagpa-panic kasi nga hindi masyadong napag-uusapan sa media.

Ang tinutukoy ko ay meningococcemia pa lamang, paano na ang naglipanang sakit tulad ng polio, cholera, diarrhea, typhoid fever at hepatitis A na ngayon ay sumabay pa itong nCoV.

Mas marami ang…

Dagdag pa ang nakakaalarmang ulat ng DOH na sa kabuuang 42,045 barangays sa buong bansa ay nasa 4, 625 lamang ang mayroong sariling palikuran na tiyak na tiyak na dahilan kaya naglipana ang iba’t-ibang uri ng sakit sa mga barangay.

Ewan ko, pero hindi ko lubos-maisip kung paano idinaraos ng mga kababayan nating walang palikuran ang buo nilang maghapon at libu-libo sa ating mga kababayan ang nakasanayan na ito.

Masdan ninyo ang mga batang walang saplot pang-ibaba sa ilang lugar ng ating mga informal settlers, hindi sila nahihiyang dumumi sa mga kanal dahil nakasanayan na nila ito.

‘Yung iba naman ay sa mga ilog dumudumi o kaya ay nagkukubli sa mga punong saging kung meron o kaya ay ibinabalot sa papel at pagsapit ng gabi ay sa mga ilog o kanal din itinatapon.

At dahil sa mga sistemang ito na hanggang ngayon ay hindi pa rin natutugunan ng ating pamahalaan ay padami nang padami ang naglalabasang sakit na ang pinagmumulan ay ang napakaduming kapaligiran.

Kaya hindi malayong pagkatapos ng NCoV ay may bago na namang sakit na madidiskubre dahil nga sa hindi malinis na kapaligiran kaya dapat ay sa mismong kapaligiran natin magsimula ang kalinisan.

At ang mga kababayan nating walang palikuran ay nagagawang bumili ng bagong damit, mamahaling cellphone, nakakapagsugal, nakakapaglasing at iba pang bisyo ngunit wala silang planong magpagawa ng palikuran dahil nakasanayan na nila.

Kung hindi magbabago ang mga kababayan nating ito ay tiyak na sila ang una sa listahan na posibleng tamaan ng virus at ng mga darating pang virus sa bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More