Una sa Balita

Mas magiging inspirado ang mga atletang Pinoy

0 380

Ilang araw na lang ay matatapos na ang pagho-host natin ng 30th Southeast Asian Games kaya pasensya muna mga ka-Abante at nakatutok tayo sa mga ganap sa palarong ito dahil bibihira itong mangyari.

Hindi man ako mahilig sa sports pero kapag nakakarinig ako ng maraming medal­yang napapanalunan ng ating mga kababa­yang atleta ay natutuwa ako na akala mo ay bahagi ako ng Team Philippines.

Sabagay, hindi lang ako ang ganito ang pakiramdam kundi ang halos lahat ng ating mga kababayan. Kaya ibigay natin ang sa palagay natin ay suportang kailangan ng ating mga kababayang atleta.

Ang sarap tiyak ng feeling ng mga kababayan nating atleta sa balitang tatanggap sila ng cash money bilang pabuya sa mga masusungkit nilang medal­yang ginto sa Southeast Asian Games.

Base sa nasagap na­ting balita, nagkaisa raw ang mga kongresista upang bigyan ng kabuuang P10 milyon bilang insentibo ang mga gold medallist na atleta sa SEA Games.

Ang P10 milyon donasyon ay manggaga­ling daw sa sahod ng mga kongresista sa E­nero 2020.

Iba pa pala ang P10 milyon na ito sa pabu­yang kanilang tatanggapin mula sa Philippine Olympic Committee (POC).

Meaning, masayang-masaya ang Pasko at Bagong Taon ng mga kababayan nating atleta na nagpamalas ng husay sa bawat isports na kanilang sinalihan.

Kaya ngayon pa lamang ay binabati na natin ang mga atletang kabilang sa humakot ng mahigit 50 medalyang ginto para sa ‘Pinas sa ikaapat na araw pa lamang ng palaro.

Kung ganyang mga balita ba naman ang maririnig ng ating mga atleta baka tiyak na mas maraming ginto pa silang masungkit para sa bansa.

Ang pa-bonus pala sa mga atletang Pinoy ay alinsunod sa ipinasang House resolution 568 na pinagtibay ng Kamara na bumabati sa mga atletang Pinoy na nakasungkit ng mga medalya sa 30th SEA Games sa pangu­nguna ni House Speaker Alan Peter Cayetano na siya ring presidente ng Phi­lippine SEA Games Organizing Committee; House Majority Leader Martin Romualdez; Deputy Speakers Paolo Duterte at Prospero Pichay; House Committee on Accounts chairman Rep. Abraham Tolentino, pangulo ng POC; at House Committee on Youth and Sports Development chairman, Rep. Eric Martinez.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More