Una sa Balita

Mas killer ang pedestrian!

By
0 194

Sa isang pag-aaral ng World Health Organization (WHO) noong 2015, pangalawa ang mga pedestrian, o mga naglalakad sa mga lansangan, sa may pinakamalaking bilang ng mga nasawi sa sakuna sa kalye. Ang masaklap, marami sa kanila, tumatawid ­naman sa tamang tawiran.

Sa naturang Global Status Report on Road Safety 2015, na­nguna sa listahan ng mga nadedo sa aksidente sa kalye ang mga nagmomotorsiklo, sumunod ang mga naglalakad, at sinundan ng mga sasakyang pribado at sasakyang pampasahero.

Kung titingnan ang listahan ng mga nasasangkot sa sakuna, tanging ang mga naglalakad ang wala sa sasakyan, pero pangalawa sila sa pinakamataas ang bilang ng mga nadadale ng mga nasa sasakyan.

Kamakailan lang, isang college student ang namatay sa Maynila matapos siyang bundulin habang tumatawid sa pedestrian lane. Dalawang iba pa ang nasaktan. 

Ang matindi pa nito, hindi tumigil ang kumag na motorista at pinabayaan ang kaniyang mga biktima. Mabuti na lang at naplakahan ang kanyang sasakyan at may kuha ng CCTV kaya nasakote kinalaunan ang mokong na napag-alaman na Chinese at papunta na sa Hong Kong. Eh papaano kung walang nakakita?

Ang ikinagalit ng ating kurimaw na tambay sa footbridge, madaling nakalulusot ang motoristang nakadisgrasya basta may perang pag-areglo sa biktima. Madaling makalaya at kadalasang kaso ay reckless imprudence resulting to physical injury [may ‘serious’ kung malubha ang lagay ng biktima] at reckless imprudence resulting to homicide.

Dapat magkaroon ng batas na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa mga motorista na makakadisgrasya sa mga tumatawid sa pedestrian lane—tanggalan ng lisensiya at taasan ang multa at pagkakulong. 

At magkaroon sana ng batas na magbibigay ng ayuda sa mga biktima na nadisgrasya habang tumatawid sa tamang tawiran para hindi sila madaling mahikayat ng nakadisgrasyang motorista na makipagkasundo na lang. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”