Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Marites’ republic ang Pilipinas

0 157

“An honorable defeat is better than a dishonorable victory;”

~ Millard Fillmore

Nang pabiro, yes pabiro, na sabihin ni Pangulong Duterte na ang Pilipinas ngayon ay ‘MARITES REPUBLIC’, tanong ko eh sino ba ang nagsimulang gamitin ang ‘trolls’ noong 2016 national elections?

Hindi naman matatawaran na naging mabisa at epektibo ang paggamit sa social media para sa isang matagumpay na kampanya, pero bakit hanggang ngayon ay patuloy pa rin ang mga trolls sa pag-post ng mga mapanirang mensahe at kadalasan ay fake news.

Maliban sa ‘party list’ isama na ring irekomenda ni Duterte ang pagbuwag sa mga ‘troll farms’ na gamit din ay pondo ng gobyerno.

Yan ang magandang simula para matupad ni incoming President Bongbong Marcos ang naging tema ng kanyang kampanya, ang “PAGKAKAISA”.

Maganda na personal siya na mag-reach out sa kampo ni VP Leni Robredo. Hindi maaaring ipikit ni Marcos ang dami ng mga volunteer na lumahok sa bawat political rally ni Robredo. Ang malaking puwersang ito ay maaaring maging hadlang o maging taga-suporta sa lahat ng kanyang mga programa.

Puwede rin niyang alukin ng puwesto sa kanyang Gabinete si Robredo, tulad ng pagiging Kalihim ng Department of Social Welfares and Development (DSWD). Kung tatanggi man si Robredo at piliin na maging ‘critical opposition’, ang mahalaga ay ipinakita niya ang hangarin na mapag-isa ang mga Pilipino.

Pero sa totoo lang, malalim na ang sugat sa pagitan nina Marcos at Robredo – mula sa isyu ng korapsyon at dayaan sa eleksyon. Ang mahalaga mabigyan ng kaunting pag-asa ang pagkakaisa ng mga Pilipino.

Pagkatapos ng 36 na taon, matapos na patalsikin ng isang mapayapang rebolusyon ang kanyang ama, panahon na akuin niya ang papel bilang ‘healing president’.

Magiging matagumpay lang ito kung aamin at hihingi rin ng tawad sa mamamayang pilipino si Marcos para sa mga abuso sa karapatang pantao at isyu ng ill gotten wealth noong panahon ng Batas Militar.

Hanggang ngayon, nananatiling sariwa ang pagka-ulila ng maraming pamilya ng deseparacidos . Ang naging ‘lifestyle’ noon at ngayon ng pamilya Marcos sa kabila ng paghihirap ng maraming pilipino.

Kailangang magwakas na ang mga usaping ito na tuluyang nagdudulot ng pagkakawatak-watak ng mga pilipino.

Umaasa ako na gagawin ni Marcos ang ibinigay na bagong tiwala sa kanya ng mga pilipino para maituwid ang anumang pagkukulang o pagkakamali umano ng kanyang ama.

Sa huli, BAYAN UNA!

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.