Una sa Balita

Margielyn Arda Didal

TINATABOY noon, tinitingala NGAYON

0 417

Palembang City — Hindi pinapapasok nang makailang ulit sa mga mall dahil may bitbit na skateboard. Hinahabol ng mga pulis at security guard sa mga parking lot.

Itinataboy habang nagpa-practice lang. Kung minsan, na-ban pa sa ilang mall na kanyang dinarayong mapag-ensayuhan lang. Lahat sa Cebu City.

Pero ngayon, isa na sa mga iniidolo ng lungsod na nabanggit, lalawigang sakop nito ng Philippine sports at lahat ng Pilipino sa kabuuan, instant sports hero, sports celebrity, marami na ang nagpapa-picture sa kanya. At isa na ring milyonarya.

‘Yan ang 1 sa 5 anak ng karpintero at nagtitinda ng kwek-kwek (mga itlog na inarinahan at kinulayan ng kahel saka piniprito) sa Lahug, Cebu City.

Si Margielyn Arda Didal, 19 (sinilang noong Abril 19, 1999), ang komopo ng 18th Asian Games 2018 women’s street skateboarding gold medal sa Jakabaring Sports City skate park ng siyudad na ito sa South Sumatra Province, Indonesia noong Miyerkoles, Agosto 29.

Nagsimula ang lahat sa pagsama-sama at pagtulong-tulong ni Margielyn sa kanyang ina sa pagtitinda ng kwek-kwek.

Isang araw nang mautusang bumili ng mga kailangang gamitin sa kanilang paninda, nakakita siya ng isang nag-i-skate papasok at palabas ng palengke.

Sa pangungulit at pagpupumilit, napilitan na ring pahiramin siya ng skateboard at sa makailang beses ng skateboard owner.

Biyahe sa Asian Games gold, hindi naging madali

Hindi madali ang daan ni Margie sa Asiad gold.

Bago niya nakamit ang gintong medalya, ilang torneo muna sa Pilipinas at sa iba’t ibang panig ng mundo ang kanyang nilahukan.

Lumahok siya sa Vans Tour Iloilo; sa Aurora Skateboarding sa Baler; Game of S.K.A.T.E sa Pangasinan; sa New Balance Asia Skateboard Team sa Asia Pacific, sa Woodward Skatecamp sa Pennsylvania, U.S.A. at sa Street League London.

At nang dumating ang kanyang pagkakataon sa 2018 Asian Games sa Indonesia, hindi na ito pinakawalan ni Didal.

“Sobrang saya po para sa mundo ito ng skateboarding, sa Pilipinas at sa LGBT community,” maluha-luhang bulalas ni Didal, aminadong tomboy, na nagsimulang mag-skateboarding sa edad na 12-anyos. “Ibinigay ko lang po ang lahat ng lakas ng isang Pinay.”

2020 Tokyo Olympics, sunod na target

Bata pa si Didal, marami pang nais gawin at marating sa larangan ng skate boarding.

Sunod niyang puntirya ang mag-qualify sa 2020 Tokyo Olympics sa Japan kaya magpapatuloy siya sa pag-eensayo.

“Hindi pa pa ako natatapos sa Asian Games. Gusto ko ring makalaro sa 2020 Tokyo Olympics at sa 2019 Southeast Asian Games sa atin,” kuwento pa ng dalaga.