Una sa Balita

MARCOS BURIAL PINIGIL NG SC!

By ,
0 4

Kahit pa may ‘go signal’ na ni Pangulong Rodrigo Duterte, hindi maisasagawa ang paglilibing kay da­ting Pangulong Ferdinand Marcos sa loob ng susunod na 20 araw matapos itong pigilin ng Korte Suprema kahapon.

Ito ay matapos magpalabas ang Supreme Court (SC) ng status quo ante order (SQAO) sa kanilang en banc session kaugnay ng anim na petisyong inihain ng iba’t ibang grupo at indibidwal na tumututol sa pagpapalibing kay Marcos sa Libingan ng mga Bayani (LNMB).

Kasabay nito, iniusod din ng SC sa Agosto 31 ang nakatakdang oral argument ngayon (Agosto 24).

Iniutos rin ng SC na pag-isahin ang lahat ng petisyon na inihain laban sa kautusan ng Department of National Defense (DND) na nilagdaan ni Defense Sec. Delfin Lorenzana noong Agosto 7, 2016 na ililibing si Marcos sa LNMB.

Ginamit ng mga petisyuner na dahilan sa kanilang pagtutol ang pang-aabuso na ginawa ng rehimeng Marcos, human rights violations noong panahon ng Martial Law, at paglabag sa written agreement sa pagitan ng Philippine government, sa pamamagitan ni da­ting President Fidel Ramos, at ng pamil­yang Marcos kaugnay sa pagpapalibing ng bangkay nito sa Ilocos Norte.

Pero si incumbent Bayan Muna Rep. Carlos Zarate, bagama’t natutuwa sa unang tagumpay ng kanilang petisyon, “Gusto namin na maglabas ng ruling ang SC na kahit kailan hindi puwedeng ilibing si Marcos sa Libingan ng mga Bayani.”

Maging si Albay Rep. Edcel Lagman ay handang ipaglaban ang “permanenteng ban” kay Marcos na mailibing sa LNMB at preparado na umano sila sa oral argument upang kumbinsihin ang mga mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman sa kanilang posis­yon.

Ikinatuwa rin ni Lagman ang 20-araw na SQAO dahil sinakop nito ang Setyembre 11 na ika-99th birthday ng yumaong diktador. Pinaniniwalaang ito talaga ang target date ng libing ni Marcos sa LNMB at ‘decoy’ lamang ang September 18 date na pinalulutang.

“It can be on time for his 99th bday…..20 days cover Sept 11. Maganda na ‘yon. Importante ‘yun,” anang solon.

Ganito rin ang punto ni Akbayan Rep. Tom Villarin, “Walang relevance ang September 18. Mas malapit sa katotohanan ang September 11.”