Una sa Balita

Marcial PBA kume na!

By
0 1,726

Mula sa pagiging officer-in-charge, si Wilfrido ‘Willie’ Marcial na ang bagong Commissioner ng Philippine Basketball Association.

Sa monthly meeting sa Libis, Quezon City kahapon, nagkaisang ninombrahan ng PBA Board of Governors si Marcial para iupong kahalili ni Chito Narvasa, sa hindi na pagpatumpik-tumpik pa ng search committee.

Binigyan si Marcial ng tatlong taong termino bilang pang-10 chieftain ng pro league mula 1975.

Abante Hiring – IT dep

“Talagang hindi ko akalain na darating sa akin ‘to,” pakumbabang bulalas ni Marcial ilang oras matapos ang official appointment. “Malaking karangalan talaga na maging commissioner, biro mo kahanay mo na ‘yung mga dating commissioners.”

Mula nang mag-resign si Narvasa noong nakaraang buwan, itinalaga si Marcial bilang caretaker ng liga sa loob ng isang buwan.

Matagal nagsilbi sa PBA si Marcial, 54, umangat mula sa ibaba at alam na ang pasikut-sikot sa liga. Mula sa pagiging statistician, naging miyembro ng Vintage Enterprises coverage team, tinapik bilang media bureau chief noong 2003 sa panahon ni commissioner Noli Eala. Huling naging external affairs and communications chief si Marcial.

Hindi pa nag-iinit sa kanyang upuan, trabaho agad ang bagong commissioner.

“Sinabihan ko ang Board, sa mga nangyari, first priority ko talaga ay officiating para maging exciting ang mga laro,” lahad niya.

Ayaw tawagin ni Marcial na pisikal ngayon ang mga laro at maluwag ang tawagan, pero ito raw ang una niyang order of business. Hindi magluluwag ang tawag ng referees, pero may mga pagkakataon na pagbibigyan ang mga dating istriktong tinatawagan.

Kay Marcial nanggaling: “Manggulang ka na, ‘wag ka lang mananakit.”