Marcial paksa ang D-League sa TOPS Usapang Sports
MAKIKILATIS ang katatagan ng mga koponan sa PBA D-League sa pagbisita ni PBA Commissioner Willie Marcial at team coaches sa ‘Usapang Sports’ ng Tabloid Organization in Philippine Sports (TOPS) ngayon, Huwebes sa National Press Club sa Intramuros, Manila.
Magbibigay ng kanilang pananaw at programa ang mga opisyal ng 20 koponan, habang maglalahad ng kanyang obserbasyon si Marcial sa kahandaan ng liga na magbubukas sa Araw ng mga Puso (Feb. 14) sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Dadalo rin sa programa na nakatakda sa ganap na alas-10:00 ng umaga sina PBA Deputy Director Eric Castro, coaches na sina Bonnie Tan ng Petron-Letran, Frankie Lim ng Perpetual Help, Rensy Bajar ng Diliman College-Gerry’s Grill, Yong Garcia ng Marinerong Pilipino, Jino Manansala ng St. Clare-Virtual Reality, Mark Herrera ng AMA University at Alvin Grey ng Trinity University-The Masterpiece.
Suportado ang TOPS ‘Usapang Sports’ ng Philippine Sports Commission (PSC), sa pamumuno ni Chairman William ‘Butch’ Ramirez at National Press Club (NPC), sa pangangasiwa ni Rolando ‘Lakay’ Gonzalo at ng Kamuning Bakery.
Ang pinakabagong media sports organization ay binubuo ng mga lehitimong editors, reporters, columnists at photographers ng mga pangunahing tabloid na pahayagan sa bansa.