Una sa Balita

Marcelino twins, armas sa depensa

By
0 1,570

Nagtatampisaw sa panalo ang last year’s runner-up Lyceum of the Philippines sa nagaganap na 94th NCAA basketball tournament kaya nakasisiguro na ang Pirates na sasampa sa semifinals.

Depensa ang isa sa susi ng kanilang mga tagumpay at ang naging armas ng Intramuros-based squad ay ang kambal na sina Jaycee at Jayvee Marcelino.

Sa tuwing mananalo ang Pirates, palaging sinasabi ng kanilang kalaban na ang magkapatid na Marcelino ang pumatay sa kanila dahil sa kanilang mahigpit na depensa.

“Pag sinabi kasi ni coach Topex, (Robinson) na huwag namin pakawalan eh talagang inaasawa namin,” saad ni Jaycee.

Kaya naman sa ipinakikitang tikas ng 22-anyos na Marcelino twins ay malaki ang tsansa nilang makuha ang titulo ngayong season at posibleng makarating sila sa Philippine Basketball Association.

Kargador ng gulay gumaan ang buhay

Mahirap ang naging buhay ng magkapatid na Jaycee at Jayvee sa Olongapo, mag a-apat na taon sila ng mamatay ang kanilang ama.

Naging kargador at nagtitinda sa palengke ng gulay sa Olongapo, Zambales upang matulungan ang inang nagtaguyod sa kanila.

“Ang trabaho namin sa Ologapo kargador at nagtitinda sa palengke.” saad ni Jayvee.

“Kailangan talaga ‘yun, kapos kasi yung pamilya namin.” ang sabi naman ni Jaycee.

Lumuwas ang magkapatid papuntang Maynila na dala ang parehong misyon, ang makapaglaro ng basketball at ipakita ang kanilang talento upang makalaro sa PBA at matulungan ang kanilang ina at pamilya.

“Nagsusumikap ako maging magaling na player para maabot ang pangarap kong mag-PBA, para sa family ko itong ginagawa ko,” hayag ni Jayvee.

Kuwento ni Jayvee para makatulong sa kanilang ina ay naglalaro sila sa mga ligang labas noong nasa Olongapo pa sila.

“Para makakain kami, nagliligang labas kami. Yun na lang din talaga yung tulong namin,” sabi ni Jayvee.

At dahil sa ligang labas nadiskubre ang talento ng magkapatid at napadpad sila sa Maynila.

Unti-unting natutupad ang pangarap ng magkambal ng makasali sila sa lineup ng Lyceum of the Philippines na naglalaro sa NCAA.

Pero hindi naging madali ang unang araw nila sa Maynila at nagdalawang isip sila kung mananatili o babalik sa probinsya.

“Nu’ng unang beses namin sa Manila, gusto rin naming umuwi agad. Pero inisip na lang namin na kung uuwi kami, lalong walang mangyayari sa amin,” kuwento ni Jayvee.“ ito lang talaga ang paraan para matulungan ang nanay namin kasi wala rin asenso sa probinsya.”

Ayon kay Jaycee, sa Adamson muna sila tumungo bago napunta sa Lyceum.

“Galing kaming Adamson pero lumipat kami nu’ng nagbago na yung coach, tumawag na kami kay coach Topex, (Robinson) at sinabi namin kung puwede niya kaming matulungan,” ani Jaycee.

Hindi naman nagdalawang isip si Robinson at nakipagkita agad ito sa kanyang mga kababayan.

Ngayon ay kilala na ang magkapatid at kinakatakutan na rin sila ng ibang teams dahil sa lagkit ng kanilang depensa.