Una sa Balita

Marawi rehab hindi inuupuan – Palasyo

By
0 385

Humingi ng dagdag na pasensiya ang Malacañang sa mga taga-Marawi City na naiinip at nababagalan sa ginagawang rehabilitasyon ng kanilang lungsod.

Sa harap ito ng isang taong sakripisyo at paghihintay ng mga taga-Marawi na makabangon mula sa dinanas na karahasan sa limang buwang giyera.

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na hindi lang ang mga residente ng Marawi ang naiinip kundi pati ang gobyerno pero talagang matagal ang proseso ng pagbangon.

Ayaw aniya ng gob­yerno ang bara-barang trabaho at minadaling mga proyekto kaya medyo mabagal ang usad ng mga itinatayong proyekto.

Gusto ng gobyerno ayon kay Roque na maipakita sa buong mundo ang bagong Marawi City at maipagmalaking modernong Islamic City.

“Well, alam ninyo po lahat tayo naiinip, pero talagang matagal po ang proseso ng pagbabangon. Ang gusto po natin ay hindi bara-bara. We want iyong bagong Marawi to be a showcase for the whole world to admire kung paano po nakabangon ang Marawi. It will be a very modern and yet Islamic City that all Filipinos can be proud of. So ang ­aming panawagan kaunting ano lang po, pasensiya,” ani Roque.

Tiniyak ng kalihim na hindi inuupuan ng gobyerno ang rehabilitas­yon ng Marawi City at inaasahang magre-report ang mga opisyal ng Task Force Bangon Marawi sa susunod na pulong ng gabinete sa Hunyo.