Una sa Balita

Maraming salamat po sa inyong lahat

0 396

Karlo Nograles

Noong Linggo, dakong alas-kuwat­ro­ ng hapon, kasama ng aming mga kapanalig, kaibigan at mga kababayang Davaoeño, aming inihatid sa kanyang huling hantungan si dating House Speaker Prospero Castillo Nograles, ang aming pinakamamahal na ama.

Batay sa dami ninyong mga nakiramay, nagpadala ng bulaklak, mga panalangin sa Panginoon para sa ikakatahimik ng kaluluwa ni Papa Nogie at mga talumpati ng kanyang mga nakasama sa Mababang Kapulungan ng Kongreso, minsan pang napatunayan ang kanyang naging ambag sa lipunan at sa pagpapabuti ng buhay ng ating mga kababayan.

Mula kay Pangulong Duterte at sa Unang Pamilya hanggang sa libu-libong dumalaw sa kanyang burol at sa aming mga kasamahan sa paglilingkod-bayan na sumama sa aming pagluluksa dahil sa kanyang pagpanaw, maraming salamat po.

Sa ngalan ng aming ina at ng aming buong pamilya, hindi ko man po kayo magawang isa-isahing banggitin dito, sumainyo po ang aming taos-pusong pagpapa­salamat dahil inyo po kaming sinamahan at pinagaan ang aming kalooban sa panahon ng aming pagdadalamhati.

Kahapon, Lunes, kasabay ng aking kabiyak na si Marga at ang aming ina, muli naming isinabuhay ang madalas ituran ng aming­ ama na “pinakadakilang karapatan bilang mamamayan,” ang pagboto na siyang pinakamakapangyarihang ehersisyo ng lipunan upang ipagtanto ang direksyong tatahakin ng bansa sa susunod na tatlo hanggang anim na taon.

Kaakibat ng aktwal naming pagboto ang isang taimtim na panalangin na nawa’y tama hindi lamang ang desisyon kundi ang pananaw ng ating mga kababayang tatamasa sa mga kapakinaba­ngang mag-uugat sa kanilang mga sagradong boto.

Bilang indibidwal, personal kong ibinulong sa Maykapal ang hangaring patuloy na umani ng suporta at mandato ang kasalukuyang pangasiwaan ni Pangulong Duterte upang ipagpatuloy ang aming magandang nasimulan para sa katiwasayan, kapayapaan at kaunlaran ng bansa.

Matapos naming bumoto, muli naming binisita ang puntod ng aming ama upang magpasalamat sa lahat ng kanyang ginawa, hindi lamang para sa aming pamilya kundi para sa iniwan niyang pamanang mga polisiya at mga batas na pinapakinabangan ng buong sambayanan ngayon hanggang sa hinaharap.

Sa aking ama, idolo at inspirasyon, Pa, hangang sa muli nating pagkikita.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy