Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Maraming salamat mga senador na ‘lodi’

0 160

NOONG nakaraang June 1st, kasama ako ng kapwa ko mga senador at ng buong sambayanang Pilipino na nagpugay sa walong magigiting na senador na naglingkod ng buong katapatan at kahusayan sa ating bansa.

Last session day ‘yun, Wednesday, ng 18th Congress kaya nagbigay ng huling talumpati ang walong senador na ‘yung iba ay babalik na sa private life kapiling ang kanilang pamilya at ‘yung iba naman ay sa ibang larangan ng serbisyo-publiko naman sasabak.

Naging emosyunal nga kaming lahat at hindi ko napigil ang sarili ko na maluha dahil tatlong taon ko rin silang nakasama sa paggawa ng mga batas na talaga namang kapaki-pakinabang.

Ngayon, nais ko na kahit pa’no, mapasalamatan ko sila at mabigyan ng pagkilala dahil sa kanilang nagawa sa bayan at, s’yempre, sa akin din bilang bagitong senador.

Maraming salamat SP, Senate President Vicente Sotto III, na isang tao na kahit yata natutulog ay kabisado ang Senate Rules.

Saksi ako sa pagiging fair mo, SP, bilang aming lider at hindi ka tumitingin kung bagito o beteranong senador dahil ang mahalaga sa ‘yo at ang pinapanigan mo ay ‘yung ikagaganda ng buhay ng mga Pilipino.

Napatunayan ko ‘yan noong isinulong ko ang adoption ng first Bicameral Report ng panukalang modernization ng Bureau of Fire Protection.

Halos lahat ng aking kasamahan ay “no” ang boto pero si SP ay bumoto ng “yes” kaya proud ako sa moment na ‘yun dahil, biruin mo, ang aking Senate President, pumanig sa akin na isang bagitong senador.

Isang karangalang maging senador under your leadership as Senate President.

Maraming salamat, Senate Minority Leader Franklin Drilon, ang “Big Man ng Senado” dahil sa gabay at pag-alalay mo sa akin.

Dahil sa ako nga ay neophyte, marami akong natutunan sa ‘yo, Senator Drilon, at kahit na parang dumadaan ako sa butas ng karayom kapag tinatanong mo ako sa interpellation, gusto ko ‘yung ginagawa mo kasi natututo ako.

Kaya hindi ko pipigilan ang sarili kong sabihin na masuwerte ako at nakasama kita, Senator Drilon. Sayang dahil hindi mararanasan ng mga papasok nating neophyte senators ang training mula sa isa sa pinakamagaling na senador sa history ng bansa.

Maraming salamat, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, na ang pagbusisi sa detalye ng aming mga pinag-uusapan, sa session man o committee hearing, ay talagang nakakabilib.

Ang sabi nga ng iba, “the devil is in the detail.” Pero, para sa akin, it is not the devil, it’s Senator Recto!

Sana, ‘yung, mga susunod sa ‘yo na magiging senador din ay gayahin ‘yung iyong pagbibigay halaga at pagpaplantsa sa mga detalye.

Maraming salamat, Senator Panfilo “Ping” Lacson na “sir” pa rin ang tawag ko hanggang ngayon.

Si Senator Ping ang isang buhay na patotoo na ang isang Pilipinong may malasakit sa kapwa Pilipino, naka-uniporme man bilang pulis o naka-barong tagalog bilang senador, kapag piniling magsilbi sa bayan, asahan mo na buong husay at buong katapatan siyang “magdu-duty.”

Patuloy kong susundan ang mga yapak mo – ang maging Chief PNP, Senador, pati na bilang Presidential Candidate kahit sandal lang. Patunay lang ito na isa kang magandang ehemplo bilang alagad ng batas at bilang public servant.

Maraming salamat, Senator Richard Gordon, dahil sa iyong matigas na paninindigan para sa katotohanan.

Ipinamalas mo sa buong sambayanan ang iyong tapang at impartiality sa paghawak mo ng mga kontrobersiyal na usapin bilang chairman ng Senate Blue Ribbon Committee.

Maraming salamat sa inyo, Senator Leila De Lima at Senator Francis “Kiko” Pangilinan, at malaki ang aking respeto sa inyo dahil sa inyong paninindigan para katarungan kahit na kung minsan ay nasa “magkabilaang bakod” tayo.

Maraming salamat ‘pre, Senator Manny Pacquiao, dahil pinatunayan mo na ang mga nasa ibaba ay kaya ring umakyat sa taas kung magsisikap lamang.

Sino ang mag-aakala na ang isang Manny Pacquiao, at ang isang “Bato” Dela Rosa ay magiging mga Senador? Siguro nga, ang sa amin ni Senator Manny ay “unexpected destiny.”

Muli, maraming salamat sa inyong walo na aking naging kasama sa Senado. Mga senador na hindi lang basta naging ‘colleague’ o katrabaho, kundi naging mga kaibigan, naging mga mentor, at naging mga kapatid sa paglilingkod sa ating mga kababayan. Tunay kayong mga ‘lodi’ (idol)!

Umasa kayo na ang aking mga natutunan sa inyo ay aking babaunin, lalo pang pagyayamanin, at gagamitin sa 19th Congress para sa kapakanan ng buong bansa.

Itaga n’yo sa bato!

Leave A Reply

Your email address will not be published.