Una sa Balita

Maraming iiwanang leksiyon ang 30th SEA Games

0 407

Umaalma ang mga organizer at maging ilang nakakaintindi sa nangya­ring mga kapalpakan sa pagho-host ng Pilipinas sa 30th Southeast Asian Games.

Para sa ilang naka-experience ng mga kapalpakan sa ilang sinalihang SEA Games ay normal na ang mga ganitong pangyayari. Ang maling hotel na pagdadalhan, ang palpak na pagkain, etc.

Sa katunayan, mismong mga dating atleta natin ang nagpapatunay na nakaranas din sila ng kapabayaan sa mga bansang kanilang dinayo para maging kinatawan ng Pilipinas sa SEA Games.

Isa si dating Azkal Alejandro Baldo Jr. ang nagbahagi sa social media ng kanyang dinanas noong maglaro sa Thailand dahil nasiraan umano ang sinasakyan nila kaya nagtulak siya at nagkaproblema rin sa pagkain.

Si badminton natio­nal athlete Antonio Cayanan ay nagsalita rin sa naging karanasan niya sa 2017 SEA Games na ginanap sa Malaysia. Dinanas din daw nila ang mga problemang kinakaharap ngayon ng Pilipinas na kalaunan ay nasolusyunan din.

Maging si PSC Commissioner Ramon Fernandez ay nagsabi rin na normal ang mga ganitong aberya kahit saan mang palaro at kahit anumang bansa ang mag-host ng palaro at inihalimbawa nito ang food poisoning noong 2017 sa Malaysia.

Sa akin, kahit sino namang tagapangasiwa ay masasaktan sa ina­abot na pambabatikos ngayon sa social media.

May punto ang mga nagpapatotoo, normal ang mga nangyaring kapalpakan at inaayos naman nila unti-unti kaya sa tingin ko pagbigyan na lamang natin sila.

Wala rin namang patutunguhan ang pag-iingay natin dahil itutuloy at itutuloy talaga ang SEA Games.

Ang mainam na gawin sa mga panahong ito ay ibigay ang suporta sa mga manlalarong Pinoy para sa kabila ng mga problemang lumutang bago ang pa­laro ay maipagpatuloy nila ang laban tungo sa tagumpay na siya namang minimithi na­ting lahat para sa mga kababayan nating atleta.

Sa mga pasimuno ng kapalpakan, alam na­ting may mga tamang ahensya para kalkalin kung anuman ang puno’t dulo ng mga kapalpakang ito.

Ibigay na natin sa kanila ang papel sa pagpapanagot. Ang dapat nating pagtuunan nga­yon ay ipakita ang suporta sa ating mga kababayang atleta na buong lakas at puso na inihahanda ang kanilang sarili para magwagi sa mga susuungin nilang mga laban.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy