Una sa Balita

Mapayapang pagresolba sa mga hidwaang teritoryal

By
0 378

Ang mapayapang paglutas sa mga usapin at hidwaan sa teritoryo ay siyang unang­ hakbangin ng mga bansang naglalaban-laban sa mga kalupaan at kapuluang ito. Ang ating kasalukuyang pakikipag-usap sa bansang Tsina patungkol sa West Philippine Sea, sa aking paniniwala, ay patuloy na umuusad sa isang mapayapa at maayos na paraan — kung saan ang bawat partido ay kalmadong nakikipagdayalogo sa isa’t isa.

Habang tayo ay naghihintay sa isang patas na kasunduan at resolusyon sa pagitan ng ating pamahalaan at ng pamahalaan ng Tsina, atin lamang maidadalangin na nawa’y maging mapayapa at matagumpay ang pagkikipagdiskurso ng ating bansa upang mapanatili natin ang ating matiwasay na relasyong pandiplomas­ya sa bansang Tsina.

Sa mga nagdaang taon, nagkaroon na rin ng mga mapayapang pakikipagkasunduan sa pagitan ng iba’t ibang bansa patungkol sa mga isyu ng maritime boundary.

Ito rin marahil ang dahilan kung bakit ginagawa ng pamahalaan ang lahat ng makakaya nito upang maging mapayapa ang pakiki­pagdayalogo natin sa Tsina kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea. Noong 2014, bilang halimbawa, tinapos ng Indonesia at ng Pilipinas ang halos 20 taong pag-aagawan sa maritime boundary sa pagitan ng mga ito.

Related Posts

Noong 1875 naman, ang Treaty of St. Petersburg ay naligdaan na siyang nagtapos ng pag-aagawan ng Russia at Japan sa Sakhalin Island. Tulad ng mga nauna, ang Bangladesh at India, ay nagkasundo rin noong Hulyo ng 2014, makaraan ang 30 taong negosasyon kaugnay ng maritime boundary sa Bay of Bengal.

Mayroon ding mga mapayapang pakikipagsunduan na naging bahagi na ng kasaysayan ng mundo, gaya ng mga sumusunod: (1) sa pagitan ng Ukraine at Romania tungkol sa isyu ng Black Sea at Snake Island, na nalutas noong 2009 sa pamamagitan ng desisyon ng International Court of Justice; (2) sa pagitan ng Norway at United Kingdom ukol sa isyu ng Bouvet Island, kung saan nagpaubaya na ang Britain upang matapos ang hindi pagkakasunduan noong 1929;

(3) sa pagitan ng Mexico at France tungkol sa isyu ng Clipperton Island, kung saan napagkasunduan na ang kapuluang ito ay pagmamay-ari talaga ng France; (4) sa pagitan ng Qatar and Bahrain ukol sa isyu ng Hawar Islands, na idineklara ng International Court of Justice na pagmamay-ari ng Bahrain noong Hunyo ng 2001; at (5) sa pagitan ng Malaysia and Indonesia tungkol sa isyu ng Ligitan at Sipadan Islands, kung saan napagdesisyunan ng International Court of Justice noong 2002 na ang mga islang ito ay parte ng teritoryo ng bansang Malaysia.

Ang mga hidwaang teritoryal ay tunay na isang malaking suliranin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kasaganahan sa mga bansang naglalaban-laban. Ang ekonomiya at politikal na interes ng mga bansang ito ay nalalagay sa ala­nganin dahil sa mga isyu ng maritime boun­dary. Kaya naman sa ating kasalukuyang pakikipagkasundo sa Tsina, ang mapayapang pamamaraan ang patuloy na dapat tahakin at bigyan ng importansya.