Una sa Balita

Manuel L. Quezon, dapat hangaan, ating pamarisan

0 357

Kahapon ay ipinagdiriwang natin ang ika-141 anibersaryo ng kapanganakan ni dating Pangulong Manuel Luis Quezon.

Malaki ang naging papel ni Pangulong Quezon sa kasaysayan ng bansa at maging sa pandaigdigang kasaysayan.

Sa ilalim ng kanyang pamamahala ay binuksan niya ang ating bansa upang tanggapin ang mga Jew refugees mula sa Alemanya. Patunay ito ng likas na pagiging matulungin at pagmamalasakit ng mga Pilipino.

Binigyan din niya ng halaga ang ating wikang pambansa – ang wikang Filipino na layuning mapagbuklod at magkaunawaan ang mga Pilipino sa pamamagitan ng iisang wika. Ipinag-utos niya ang pagtuturo nito bilang asignatura sa mga paaralan simula noong 1940 kung kaya si Quezon ang itinuturing na “Ama ng Wika” sapagkat siya ang nagtaguyod nito.

Ipinatupad ni Quezon ang Eight-hour Labor Law dahil sa problema sa paggawa sa lupa at kaugnay nito ay kanya ring ipinatupad ang Minimum Wage Law sa bansa.

Pinaunlad din sa panahon ng kanyang termino ang pambansang seguridad sa tulong ng National Defense of 1935 o Commonwealth Act No. 1.

Related Posts

Naipatupad din noong 1909 ang Payne-Aldrich Law na nagpababa ng ating buwis. Ang batas na ito ang nagbigay ng pahintulot upang maging malaya ang palitan ng kalakal ng Estados Unidos at ng Pilipinas.

Si Quezon ay nagpatayo rin ng mga gusali na ginamit ng mga ahensiya ng pamahalaan at ang ilan sa mga gusaling ito ay atin pang makikita sa paligid ng Quezon City Memorial Circle.

Sa ilalim ng kanyang pamamahala ay naitatag din ang National Council of Education, nabigyang tugon ang pagdami ng mga pampublikong paaralan sa buong bansa at nagbigay ng libreng edukasyon upang tugunan ang industriya ng kabuhayan.

Bukod sa pagbibigay kahalagahan sa kinabukasan ng mga kabataan, binigyan din ng karapatan ang mga kababaihan na nakakaboto at nakakasali sa pulitika sa kanyang administrasyon.

Si Quezon ay naging unang pangulo ng Senado na inihalal bilang Pangulo ng Pilipinas, unang pangulo na inihalal sa pamamagitan ng isang pambansang halalan, unang pangulo sa ilalim ng Komonwelt at siya rin ang unang pangulo na nanungkulan ng dalawang termino.

Madami pang nagawang kabutihan si Manuel L. Quezon kaya dapat hangaan at ating pamarisan ang kanyang mga nagawa sa ating bansa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy