Manok, itlog ligtas kainin

By

Ipinahayag kahapon ni Health Secretary Paulyn Ubial na ligtas pa ring kainin ang mga manok sa merkado basta tiyakin lamang na malinis ang pagkakahanda nito at tama ang pagkakaluto.

Nilinaw ni Ubial na hindi nakukuha ang bird flu sa gastrointestinal kundi kapag nakalanghap nito.

“Ang talagang at risk diyan ay `yung poultry handlers at saka `yung nagkakatay ng manok. Pero `yung kumakain ng manok wala na pong risk `yan kasi naluto na `yung manok at hindi naman sa pagkain nata-transmit ang virus,” paliwanag ni Ubial.

Sa bird flu advisory ng DOH website, nakasaad na nasasalin ang bird flu virus sa tao kapag nalanghap ito o nakontamina ng “infected discharges” o ipot ng may sakit na manok.

Nagdeklara ng heightened alert status ang kagawaran sa lahat ng ospital at health facilities sa Pampanga.

Inatasan din ang mga local health officials na isailalim sa pagsusuri ang lahat ng indibidwal na makikitaan ng mga sintomas ng trangkaso o influenza-like illness na mahigit ng tatlong araw. 

SHARE