Una sa Balita

Manok, baboy, gulay isasama sa SRP – Piñol

By
0 1,161

TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na madaragdagan pa sa mga susunod na araw ang mga basic commo­dity na isasama nila sa listahan ng suggested retail price (SRP) kabilang na dito ang manok at baboy.

Ayon kay Agriculture Secretary Manny Piñol, magkakaroon ng konsultasyon sa mga stakeholder para maitakda ang SRP sa karne at mga poultry product gayundin ang iba pang gulay at maaari umanong sa susunod na buwan ay puwede na sila maglabas ng SRP dito.

“Sa mga susunod na araw ay mas marami pang produkto ang lalag­yan natin ng SRP para masiguro na walang overpricing sa presyo,” pahayag ni Piñol.

Sa Lunes ay simula nang ipatutupad ng DA at Department of Trade and Industry (DTI) ang SRP sa inisyal na walong bilihin sa Metro Manila kabilang dito ang P39 kada kilo sa bigas pero hindi kasama dito ang well-milled rice at iba pang mas mataas na variety   bigas; bangus P150 per kilogram; tilapia, P100/kg; galunggong, P140/kg; sibuyas, P95/kg; white onion P75/kg; bawang P70/kg; at lokal na bawang P120/kg.

Hindi pa umano permanente ang SRP sa mga nasabing bilihin at maaari pang magbago o i-adjust kada linggo depende sa marketing pricing condition.

Pero sinabi ni Piñol na sa Metro Manila lamang ang SRP na kanilang itinakda dahil may ibang SRP para sa iba pang rehiyon.

Kaugnay nito, nagbabala ang kalihim sa mga nagtitinda na kanilang babantayan ang pagpapatupad ng SRP hindi lamang sa merkado kundi maging ang posibleng epekto nito sa mga ma­ngingisda at magsasaka na maaaring baratin naman ng mga negosyante dahil sa SRP.

“We will be watchful of its effect on the farmers and fishermen because the SRP may be used to lower the bu­ying price of their produce,” paliwanag ni Piñol.