Una sa Balita

Manny Villar takam na takam sa ABS-CBN

0 5,039

INTERESADO umano si dating Senador Manny Villar na tumaya para makuha ang pinakamalaking media company na ABS-CBN na nalalapit na mapaso ang prangkisa sa Marso 2020.

Ayon sa isang insider mula sa Lopez Group na nagmamay-ari ng mayorya ng share ng ABS-CBN, intresado umano si Villar sa kompanya para sa negosyo at para sa politika.

Sinabi pa ng insider na ang mataas na opisyal ni Villar ang nagsabi na ito lamang ang may kakayahan at motibo na mag-takeover ng ABS-CBN kung available na ito na palitan.

Nabatid na ang ABS-CBN ang itinuturing na ‘kingmaker’ sa mga nakalipas na halalan dahil sa pangunguna ng television news at programa.

Ang pag-takeover sa ABS-CBN ay maha­laga kay Villar na chairman ng Nacionalista Party na natalo sa 2010 presidential elections at ang asawa at anak ay pawang mga politiko.

Ang kanyang asawa na si Cynthia ay senador habang ang anak niyang si Mark ay secretary ng Department of Public Works and Highways habang si Camille ay congresswoman.

Ang ibang bilyonaryo tulad nina Ramon S. Ang, Enrique K. Razon, Manuel V. Pangilinan ng Salim Group, at Dennis Uy ay napapabalitang intresado rin sa ABS-CBN.

Maging si Pastor Apollo Quiboloy ng Sonshine Media ay nagpahayag rin ng interes pero walang sumeryoso sa kanya.

Una nang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi na bibigyan ng extension ang prangkisa ng ABS-CBN.

“If you are expecting na ma-renew ‘yan, I’m sorry you’re out,” ayon kay Duterte.

Sinubukang kunan ng reaksyon ng Abante ang kampo ni Villar subalit dedma sila sa nasabing balita. (Juliet de Loza-Cudia)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More