Una sa Balita

Manila Water ‘di matatawaran ang serbisyo

0 532

NAGPAHAYAG ng pangamba ang mga customer ng Manila Water lalo na ang mga nasa depressed area dahil sa kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na baguhin ang concession agreement sa pagitan ng gobyerno at sa dalawang water concessionaire ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS).

Nababahala ang mga mahihirap na residente na umaasa sa murang tubig partikular ng Manila Water na baka lalong magmahal ang binabayad nila sa tubig.

Sinabi ni G. Gildo Aviles ng 28 Bai Compound, Visayas Ave. Quezon City na dalawang dekada nang customer ng Manila Water na huwag namang pagbuntunan ng sisi ang kompanya dahil malaking ginhawa ang hatid sa kanila ng Manila Water.

“Malaking bagay ang Manila water sa aming mahihirap, lalo na ang mga nasa depressed area. Mula nang pasukin ng Manila Water ang patubig sa mga barangay lalo na dito sa amin ay nakatulong talaga ng malaki,” pahayag ni Aviles sa isang panayam.

Noon aniyang hawak ng MWSS ang tubig ay hirap silang magkaroon ng sariling metro dahil maraming hinahanap na dokumento katulad ng titulo ng lupa. Wala silang mailabas dahil pag-aari aniya ng gobyerno ang lupang kinatitirikan ng kanilang bahay.

Nang dumating umano ang Manila Water ay laking tuwa nila dahil wala nang hininging mga rekisitos at nabigyan na sila ng sari-sariling metro ng tubig.

Ang sariling metro ng tubig ay nagresulta din aniya ng murang bayarin sa tubig bukod pa sa 24-oras silang may tubig.

“Hindi lang ako nasa 400 na kami dito sa barangay ang may sariling metro ng tubig,” pagbibida pa ni Aviles.

Katulad ni G. Aviles ay umapela rin si Kagawad Ives Ebrada ng Guadalupe Nuevo Makati kay Pangulong Duterte.

“Sana mabuksan ang isipan ng Pangulo, sana ay ’wag siyang magpadalos-dalos kung totoong para sa mahihirap at ordinaryong Pilipino siya ay huwag niyang tutulan ang Manila Water dahil malaking tulong ito sa amin,” pahayag ni Kag. Ebrada.

Para naman kay G. Ebdara, 1996 pa sila na­ging customer ng Manila Water at laking ginhawa talaga ang serbisyo nito sa kanilang barangay.

“Kung dati ay nag-iigib pa ako ng tubig gamit sa mga karatig-barangay namin, ngayon ay hindi na dahil sa maayos na serbisyo ng Manila Water,” ayon pa kay Ebdrada.

Matatandaang nagbanta din ang Pangulo sa Manila Water at Maynilad na kakasuhan at ipakukulong ang mga opisyal ng dalawang nabanggit na water concessionaire.

Sinabi pa ni Pangulong Duterte na mas makabubuting hawakan na lamang ng bilyonaryong negosyanteng si Manny Villar ang pagsu-supply ng tubig sa Metro Manila.

Si Villar ang may-ari ng Prime Water na siyang nagtakeover sa mga local water district at inuulan ng reklamo sa masamang serbisyo at kalidad ng tubig at sinita pa ng Commission on Audit.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy