Una sa Balita

Manila port congestion pinasosolusyunan sa BOC

0 205

Ipinahayag ni Senador Aquilino ‘Koko’ Pimentel III nitong Lunes na balak niyang ipatawag ang opisyales ng Bureau of Customs (BOC) upang maipaliwanag at mapanagot ang mga ito sa mabagal na paggalaw at mahabang pagkaantala sa pagre-release ng mga merchandise na dumarating sa pier ng Maynila at nagdudulot pa ng pagkalugi ng bilyon-bilyong piso kada araw ang pagkainutil nito.

Ipinabatid ni Pimen­tel, chair ng Senate Committee on Trade, Commerce and Entrepreneurship, na marami nang nakararating sa kanyang reklamo mula sa mga importer, traders, trucker at broker groups gayundin ang mga OFW association hinggil sa lumalalang port congestion sa Manila Port.

“Inaabot na ngayon ang mga barko ng apat hanggang limang araw sa pier. Pagkadaong ng mga ito, dalawa hanggang tatlong araw ang pagdidiskarga ng mga container sa yard. Kaya pito hanggang 10 araw ang pagdidiskarga ng isang container. Habang nagtatagal ang mga container na hindi pa mai-release, lalo namang tumataas ang kanilang nakukuhang storage char­ges, na sa dakong huli ay ipapasa naman sa mga tagakonsumo. Iyan ang problema,” ayon sa senador mula Mindanao.

Iginiit pa ni Pimentel na idinadaing ng grupo ng mga tagakonsumo at OFW na mas matagal din ang inaabot bago ma-release ang kanilang balikbayan boxes.

“Gusto kong mari­nig sa mga Custom official at iba pang stakeholder ang mga solus­yon. Isang seryosong peligro sa ekonomiya ang port congestion. Ayaw nating bumagal ang komersyo ngayong nalalapit na ang Kapaskuhan dahil maoobligang bumaba ang vo­lume sa merkado sanhi ng kainutilan ng ating mga port partikular na ang Maynila,” anang dating Senate president.