Una sa Balita

Manikurista tinaniman ng bala sa ulo

0 319

Patay na nang matagpuan sa tabing kalsada ang isang 35-anyos na babae na may tama ng bala ng baril sa ulo sa Brgy. Pulangbato, Cebu City.

Kinilala ng pulisya ang biktimang si Mila Gabayan, 35-anyos, ma­nikurista/manghihilot na naninirahan sa Sitio Candarong ng nabatid na barangay.

Sa ulat ni PCpl. Michael Angelo Singson ng Talaban Police Station, dakong alas-6:00 nang umaga nang matagpuan ang bangkay ng biktima sa kahabaan ng kalsada sa Sitio Camboag ng lungsod na ito.

Isang motorista ang nag-ulat sa pulisya hinggil sa pagkakatagpo ng biktima sa tabing kalsada na mabilis namang nirespondehan ng mga tauhan ng Talaban police at doon ay nakita nila ang nakabulagtang biktima na may isang tama ng bala sa ulo mula sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Sa ngayon ay wala pang matumbok na suspek ang pulisya subalit isa sa tinitignan nilang anggulo ay personal na mo­tibo ang pamamaslang sa babaeng biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya para sa agarang paglutas ng krimen. (Edwin Balasa)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy