Una sa Balita

Mangungupit sa food, cash aid ipakukulong ko- Duterte

0 370

Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga opisyal na may balak mangupit at magtago ng pagkain sa ipapamahaging tulong-pinansiyal at food packs para sa mga mahihirap na naapektuhan ng krisis bunsod ng pagsubok na hatid ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Sa kanyang mensahe sa bayan nitong Lunes nang gabi , sinabi ng Pangulo na ipapakulong niya ang sinomang opisyal hanggang sa matapos ang problema sa COVID-19 kapag may nakarating na sumbong sa kanya na pinag-interesan ang pera para sa mga mahihirap.

“Pag nagkamali kayo dito, hindi ko kayo palulusutin. If I discover some embezzlement, some hoarding at dina-divert yung pagkain na hindi dapat sa kanila, you better think. I will order your detention hanggang matapos ang COVID-19,” anang Pangulo.

Hindi aniya siya malupit na tao pero kapag may nabalitaan ito na namolitika at kinurakot ang pera para sa mga mahihirap ay agad na sususpendihin ang mga ito at ipapakulong .

” Hindi ako nananakot pero kung mamulitika ka tapos mabalitaan ko ang ginawa mo, I will suspend you ora mismo. And for those who are really absconding the money, I will detain you, and maybe I will release you pagkatapos ng COVID,” dagdag ng Pangulo.

Dalawang daang bilyong piso ang inilaan ng gobyerno para sa food packs at tulong-pinansiyal para sa 18 milyong Pilipino na nakakaranas ngayon ng hirap dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine.

Sinabi ng Pangulo na lahat ng ipapalabas na pondo ay dadaan sa audit at sa task force on COVID-19 kaya makakasiguro ang taongbayan na accounted ang bawat sentimo sa gobyerno.(Aileen Taliping)

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More