Una sa Balita

Mandatory parking space

0 176

Base sa datos ng Land Transportation Office (LTO), umabot sa 10.4 mil­yon ang bilang ng mga bagong rehistradong motor vehicles mula sa mga taong 2015 hanggang 2017.

Batay pa rin sa datos ng LTO, tinatayang 1,000 sasakyan ang bagong rehistro kada araw at 600 dito ay mga bagong biling sasakyan mula sa mga kasa na nagbabagsak ng mga down payment kung kaya marami ang nakakabili ng mga bagong kotse.

At dahil di hamak na mas mabilis ang pagdami ng bagong sasak­yan sa mga lansangan kaysa konstruksyon ng mga bagong kalsada at tulay, hindi talaga maiiwasan ang ga-higanteng traffic hindi lang sa kahabaan ng EDSA kundi maging sa mga pangunahing lansangan.

Nakakapagpalala ng traffic sa mga alternative route ang mga obstruction sa mga lansangan partikular ang mga nakaparadang mga sasakyan sa gilid ng mga kalsada kundi man nakabalandra sa mga bangketa.

At sa kabila ng kampanya ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) laban sa mga traffic obs­truction at illegally parked vehicles, nagpapatuloy ang ganitong sistema sa maraming mga kalsada dahil sa kapabayaan ng mga opisyal ng mga barangay.

Matagal na dapat nagkaroon ng batas na nagbabawal sa pagbebenta ng bagong sasakyan kung walang parking space o garahe na paglalagakan ang may-ari ng sasakyan.

Kung kaya nga namang bumili ng bagong kotse, dapat may pampagawa rin ng garahe o pagrenta ng parking space para hindi nakapabalandra sa kalsada ang mga bagong sasakyan.

Si Senador Sherwin Gatchalian ang pa­ngunahing nagsusulong ng panukalang batas na gagawing mandatory ang pagkakaroon ng parking space sa mga bibili ng bagong sasak­yan partikular dito sa Metro Manila kung saan napakalala ng problema sa trapiko.

Nakasaad sa Se­nate Bill No. 201 o ang Proof-of-Parking Space Act na inihain ni Gatchalian ang pagkakaroon ng affidavit ng mga indibidwal o kompanya na nagsasabing may kaukulang par­king space ang kanilang bibilhing bagong sasakyan. Pwedeng sari­ling pag-aari o renta ang nasabing garahe o parking space.

Kultura ng “responsible ownership” ang nais isulong ng S.B. 201 ni Gatchalian dahil na rin sa matinding problema sa trapiko kung saan nakakadagdag ang mga nakaparadang sasakyan sa mga lansangan dahil walang sariling garahe o parking space.

Kung maging ganap na batas ang “Proof of Parking Space Act,” bibigyan nito ng kapangyarihan ang LTO, MMDA at mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng madalas na inspeksyon sa mga pangunahin at sekondaryang lansa­ngan para alisin ang mga illegally parked na mga sasakyan.

Political will lang ang kailangan para maipatupad ang naturang batas na inaasahang makapagpapawas sa problema ng trapiko dito sa Metro Manila. Sana nga.