Una sa Balita

Mananagot ang nanunog sa Abante — Andanar

0 448

TINIYAK ng Presidential Communications Ope­rations Office(PCOO) na hindi nila bibitiwan ang imbestigasyon sa insidente ng panununog sa printing plant ng Abante News Group sa Parañaque City.

Sinabi ni PCOO Secretary Martin Andanar na sisiguruhin nilang mananagot ang sinomang nasa likod ng insidente ng panununog sa Abante.

“Kung sino man ho ang gumawa noon aba’y pag nalaman po namin kung sino kayo, humanda kayo. Tututok ang Presidential Task Force on Media Security dito at talagang mananagot ho kung sino ang salarin,” ani Andanar.

Tumanggi namang magsalita ang kalihim sa tinatakbo ng imbestigasyon dahil mayroon aniyang kinaklaro at tinututukan ngayon ang task force hinggil sa nabanggit na insidente.

“Sa kasalukuyan hindi muna ako makakapagsalita kasi ito ay kinaklaro pa at pinaplantsa pa at tinututukan nang husto, sinusuri nang wasto ng ating kasamahan sa PTFoMS,” dagdag pa ni Andanar.

Sinabi ng kalihim na hindi dapat panghinaan ng loob ang media sa mga ganitong uri ng pag-atake at tiniyak na nakaalalay ang gobyerno para matulungan ang mga kasamahan sa media.

“Hindi ho tayo madi-discourage sa mga ganyang gumagawa ng mga violent acts against media at tayo po ay nandito para tulungan ang ating mga kasamahan sa media,” wika pa ni Andanar. (Aileen Taliping)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy