Manalangin para sa kapayapaan sa Middle East — Tagle

0 260

HINIMOK ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle ang sambayanang Pilipino na makiisa sa panalangin para sa kapayapaan at kaligtasan ng mga tao sa Middle East.

Ginawa ni Tagle,ang panawagan nang pangunahan ang isang vigil mass na idinaos bago ang pagsisi­mula ng Traslacion para sa Poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand kahapon nang mada­ling-araw.

Ipinagdasal ng Cardinal na magkaroon ng kapayapaan at hindi tuluyang mauuwi sa giyera at paghihiganti ang kaguluhan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran.

“Ating pong alalahanin sa ilang bahagi ng ating mundo. Nag-aamba ang panganib ng karahasan. Harinawa hindi umuwi sa giyera, sa digmaan,” pahayag ni Tagle, sa kanyang homiliya.

“Ipinalangin po natin na ma­ging ligtas ang ating mga kapwa sa Middle East. Humupa ang mga pagnanais na sirain ang kapwa, humupa ang mga hangarin na maghiganti,” dagdag pa ni Tagle.

Umaapela rin naman si Tagle ng panalangin para sa mga Pilipino na nasa Middle East at kanilang pamil­ya, na nag-aalala para sa kalagayan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay inatake ng Estados Unidos ang Iraq, na nagresulta sa pagkamatay ng top military commander ng Iran, na nagbanta na rin na gaganti.

Samantala,itinaas naman na ng pamahalaan ng Pilipinas sa Level 4 ang alerto sa lugar, at nagkasa ng mandatory repatriation ng mga Pinoy sa Iraq sa pamgambang maipit sa kaguluhan ang mga OFW. (Juliet de Loza-Cudia)

Abante – Wendys Inhouse Ad
Comments
Loading...