Una sa Balita

Managot

0 564

Hindi lamang sagot bilang ‘answer’ sa Ingles ang mabigat na kahulugan natin sa salitang ‘sagot’. Sa ating kultura, mayroong malalim na kahulugan ang maraming baryasyon ng salitang ‘sagot.’

Halimbawa ang pag-angkin sa anumang masama o maling mangyayari. Sasabihin natin, ‘sagot kita.’ Magtitiwala tayo dahil kung may hindi magandang mangyayari, may ibang aako sa kasalanan. May responsable. May nanagot. At kung sino man ang mananagot na ito, tinatawag natin itong taong may pananagutan.

Sagot ko ito. Ako ang bahala. Anumang mali sa sasabihin ko bilang kolumnista, sagot ko. Pananagutan ko. Nakataya ang aking munting pangalan at anumang integridad na nakakapit sa pangalang itong iniingat-ingatan kong madungisan simula pa noong natutuhan kong pahalagahan ang dangal ng aking pagkatao.

Madalas itanong sa akin kapag naaanyayahan akong magsalita hinggil sa mga napapanahong isyu sa media, paano raw malalaman kung fake news ang isang nakalathala sa internet? Ang sagot ko: kapag may mananagot. Kapag nakalakagay ang pangalan ng pahayagan at ang mismong nagsulat. Mananagot siya.

Halimbawa, sa kolum na ito. Ako ang mananagot kapag may kamalian dahil nakapangalan sa akin ang espasyong ito. Kahit pa sabihing nagtiwala ako sa aking source, ako pa rin ang may pananagutan dahil hinayaan kong malathala ang isang maling impormasyon. Kaya sa fake news, ang sinasabi ko, may nababasa ba kayong pangalan na maaaaring managot hinggil sa maling balita? Kung wala, fake news. Isa lamang ito sa maaaring gawin pa para matiyak na maaasahan ang impormasyon.

Mahalaga sa akin ang pananagutan. Bilang propesor, lagi kong ibinibilin sa aking mga mag-aaral na anuman ang gawin nila sa buhay, mabuti man o masama, kahit paano, ay pananagutan ko. Dahil bahagi ako ng kanilang buhay, tinuruan ko sila nang buong kabutihan at katalinuhan. Kaya may bahagi ng pagkatao ko ang mananagot.

Kapag nagtagumpay ang mag-aaral sa kaniyang larangan, naging mabuti, o gaya nitong pagharap sa krisis, mga naging bayaning doktor at nars, masaya ako. Ipinagmamalaki ko. Ngunit kung sakali mang maging masama ang kalabasan, itatanong ko sa sarili kung saan ako nagkamali. Pananagutan ko.

Ako ito bilang propesor at manunulat. Ang malungkot, sa bansa natin, lalo sa pamahalaan, parang bihira na ang may pananagutan. Bihira na ang tunay na nananagot sa kung anumang kamaliang nagawa. Bakit?

Kasi madaling magkanlong sa likod ng legalidad. Madaling magkanlong sa likod ng publisidad. Bakit ka aamin o hihingi ng tawad kung pupwede namang sabihin na ‘patunayan ninyo munang may nilabag akong batas’? O kung kaalyado mo ang nagpapatupad ng batas na para lang sa walang pangalan?

Nakalulungkot na paparami yata ang hindi gustong managot. Lalo’t nasa gitna ng napakadelikadong krisis ang ating bansa. Minsan, dahil na rin sa kakulangan ng solusyon, maganda na lang sanang manalig sa mga pinuno. Pero paano kung ang mismong pinuno ay walang pananagutan sa kaniyang kilos at aksyong maaaring magpahamak sa maraming kababayan natin?

Hindi malayong gayahin ng karaniwan. Hindi malayong maging isang bansa tayong walang pananagutan.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://www.facebook.com/joselito.d.delosreyes

Abante – Wendys Inhouse Ad

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More