Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

‘Malupwet’ magpabakuna

0 64

Matapos ang apela ni Pasig Mayor Vico Sotto na huwag siyang padalhan ng mga larawan na sa puwet tinuturukan ng COVID-19 vaccine, hindi kaya maging trend o mauso pa lalo ito?

Pero bago ‘yan mga tropapips, napansin ng kurimaw nating nananaba sa ayuda ng mga kapitbahay na pasok-pasok daw sina Health Secretary Francisco Duque at Agriculture Secretary William Dar bilang “DDS” o Duque, Dar Sablay.

Maituturing nga daw na “weakest link” sa administrasyon ang dalawa dahil sa pagiging sablay. Ang masaklap, kay Pangulong Mayor Digong Duterte lumalatay ang mga kapalpakan nila sa isyu ng pagtugon sa COVID crisis at Food Crisis–na parehong pahirap sa mga tao.

Hindi naman natin masisisi ang kurimaw natin kung ganito ang maging pananaw sa dalawang opisyal dahil nga naman sa dumadami ang tinatamaan ng virus, pahirapan ang magpagaling, magastos magpagamot, at marami ang namamatay.

Bukod sa praning na ang mga tao na mahawahan ng virus, butas pa ang bulsa nila sa mahal ng mga bilihin, tulad ng karne ng baboy at maging ng bigas. Ang kakarampot na ayuda ng gobyerno, baka mapitik pa ng mga buraot na opisyal.

Ngayon, nagkukumahog ang ibang mga ahensiya na magtayo ng mga dagdag na silid na puwedeng maging isolation facility ng mga COVID positive, at maging ng hospital beds para magamot ang mga malubha ang kalagayan.Habang sa problema ng mga baboy sa African Swine Fever (AFP) na dahilan ng pagmahal ng karne, at naging daan ngayon para dumagsa ang frozen o imported na karne, sisiguraduhin daw ni Dar na matatapos na ngayong taon.

Aba’y nakalipas na ang isang taon na napabayaan ang ASF at hindi nasuportahan nang maayos ang mga magbababoy kaya hindi nakabawi sa pagkakabaon, papaano kaya matitiyak na totoo na naman ang pangako?

Ang matindi pa nito, malaking kita ng gobyerno mula sa importation ng karne ang mawawala dahil ibababa ang taripa nito sa pagbuhos ng mga imported meat para daw mapababa ang presyo ng karne. Kailangan-kailangan pa naman ng gobyerno ang pondo para sa pandemic.

Ngiting aso na naman ang mga importer dahil tiba-tiba sila sa mababang taripa at bubuhos ang inimport nilang karne. Habang mga lokal na magbababoy, luhaan na katulad ng mga magsasaka nang bumuhos ang imported na bigas.

Balik na tayo kay Mayor Vico. Umapela siya kamakailan sa kaniyang mga kababayan na huwag nang i-send sa kaniya ang mga larawan na nagpaturok ng COVID vaccine sa puwet. Marami na raw siyang pinoproblema kaya “huwag nang idagdag ang puwet” nila.

Hindi naman galit si Mayor nang makiusap [sa ngayon siguro]. May mga pagkakataon daw kasi na may mga tao na hindi puwedeng bakunahan sa magkabilang braso [tulad na kung may tattoo] kaya sa puwet ang turok.

Kaya lang, matapos ang apela ni Mayor Vico, baka lalong tumindi at may gumaya kahit hindi taga-Pasig. Alam mo naman ang mga Pinoy, habang pinagbabawalan, lalong sumisige. Baka pati sina Yorme Isko Moreno, Marikina Mayor Marcy Teodoro at iba pa eh mapadalhin na rin ng mga kababayan nila ng “malupwet” na bakuna.

Aba’y kung makinis naman ang puwet at walang bahid ng banil at hindi amoy alimuon, bakit hindi kung payag naman ang “bakunator.” Puwede rin naman sigurong ipagmalaki at i-post ang pwet mong naturukan ka na sa sariling social media. At kunwaring ang intensyon mo eh maghikayat sa iba na magpabakuna rin–lalo na sina lolo at lola [pero hindi sa puwet].

Kaya lang, kahit dumadami na ang gustong magpabakuna, ang problema, kulang pa rin ang bakuna at magbabakuna. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.