Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Malituhin si Duque

0 760

Naibuga mga tropapips ng isa nating kurimaw ang mainit niyang kape nang madinig niya ang balitang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III. na napadapa na raw ng Pilipinas ang kurbada ng mga kaso ng COVID-19 noong Abril. Ang matindi, gusto na raw ng kurimaw natin na ibuhos sa sarili ang kape para alamin kung binabangungot ba siya nang kaagad bawiin din ng kalihim ang kaniyang sinabi.

Gaya ng kurimaw natin na adik sa kape, marami ang tiyak na nadismaya [na naman] kay Duque dahil sa “pagkalito” niya pagdating sa pagpapaliwanag at pagbibigay ng impormasyon tungkol sa perwisyong pandemyang nagmula sa China. Bakit di pa magawang magpahinga ni Duque keysa maakusahang nag-uulyanin.

Nalito lang daw sa tanong ang kalihim at hindi raw “flattening” o pagpapadapa ng “curve” o kurbada ng kaso ng COVID-19 ang nais niya sabihin kung hindi “nailiko” lang daw ang kurbada nang maipatupad na ang enhanced community quarantine.

At ang nakikita raw ngayon na pagdami ng mga kaso [na umaabot na sa libu bawat araw na ulat mula sa dating nasa 200 level lang, eh gawa raw ‘yan ng mas malawak na testing, at hawahan na rin dahil nga pinayagan na ang mga tao na lumabas ng kanilang mga bahay sa ilalim ng mas maluwag na general community quarantine.

Kamakailan nga lang mga tropapips, nagpasya ang pamahalaan na panatilihin sa GCQ ang Metro Manila hanggang sa katapusan ng Hulyo. Para sa mga hindi nakakaalam at gustong magpustahan, batay sa pagtaya ng UP research group, aba’y posibleng umabot daw sa 80,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas.

Related Posts

Dahil sa pagbawi ni Duque at pag-amin na “nalito,” marami na naman ang nagtaas ng kilay at hindi natuwa tulad ng ilang senador. Napa-OMG pa nga si Senador Miguel Zubiri, at idinaan na lang sa joke ni Senate President Tito Sotto ang reaksyon na nagsabing baka “fatten the curve” ang ibig daw sabuhin ng kalihim dahil marami ang tumaba.

Pero si Sen. Sonny Angara na COVID survivor, seryoso na hindi binili ang kalituhan ni Duque lalo na nga naman ngayon na dumadami ang mga nagkaka-virus at napupuno na ang mga ospital. Kapag napuno na ang mga ospital, saan pa nga naman dadalhin ang mga pasyente lalo na ang mga matindi ang tama ng virus? Mas maraming pasyente, mas malaki rin ang tiyansang mahawahan ang mga medical frontliner. At kung mauubos ang mga duktor at nurse dahil magkaka-COVID din, sino ang gagamot at titingin sa mga pasyente?

Aba’y pang-ilan na bang pahayag ito ni Duque na nakalilito? Minsan na siyang nagsabi na hindi nakakahawa ang mga walang sintomas na pasyente, at nagsabi rin siya na nararanasan na raw ng bansa ang “second wave” ng virus. Pinupuna rin ang tila mabagal daw na pagkilos para matukoy ang mga nahawahan ng virus, at paghihiwalay sa mga mild lang ang sintomas.

Noong Abril, naghain ng resolusyon ang mga senador para hilingin ang pagbibitiw ni Duque dahil hindi raw bibo sa pagtugon sa problema ng COVID-19. Tatlong buwan makalipas ng naturang panawagan, lalong dumami pa ang kaso ng COVID-19 at tila hindi pa mapapabagal lalo pa’t ngayon pa lang unti-unting niluluwagan ang quarantine measures, na ang ibig sabihin eh dadami pa ang taong lalabas para magtrabaho.

At mula noong Marso, ngayon pa lang maghihigpit sa kautusan na dapat sa mga pasilidad at hindi sa bahay nagka-quarantine ang mga mild at walang sintomas na COVID positive. Sabi ng kurimaw natin, dapat noon pa ito ginawa, at dapat noon pa dinamihan ang testing para naihiwalay ang puti sa de-color inga nga.

Ang ending ng lahat mga tropapips, ang minsan na sinabi ni Senador Ping Lacson na wala siyang natatanaw na solusyon sa krisis na ito ng COVID-19 dahil sa pagiging “incompetent” ng DOH sa pamumuno ni Duque, in short, walang binatbat. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.