Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Malinis na tubig sa bawat barangay

0 128

Sa kabila ng COVID-19, tuloy ang misyon ng inyong lingkod at ng Ako Bicol party-list na bigyan ng malinis na tubig ang mga nangangailangan sa Bicol Region.

Kaya naman ikinagagalak kong ibalita sa inyo na kamakailan ay pinangunahan natin ang inagurasyon at blessing ng Water System Project (Level 1) sa Barangay Del Rosario, Camalig, Albay. Bahagi ito ng aking adbokasya na magkaloob ng malinis na inuming tubig sa bawat barangay, lalo sa mga liblib na lugar. Katuwang ko sa proyektong ito ang Sunwest Care Foundation.

Nagpapasalamat ang aming grupo sa mainit na pagtanggap ni Barangay Del Rosario chairman Ricardo Cuachin, sampu ng mga kasapi niya sa konseho at mga residente ng barangay. Walang pagsidlan ang kanilang kasiyahan dahil sa wakas ay mayroon na silang makukunan ng malinis na tubig kaya’t labis ang pasasalamat nila sa Ako Bicol party-list at Sunwest Care Foundation.

Alam po ninyo noong ako ay nagsimulang magsilbi bilang kinatawan ng AKB sa Kongreso, agad kong pinulsuhan ang kailangan ng mga Bicolano. Sa isang survey, lumabas na 80 hanggang 90 percent ang walang access sa inuming tubig. Nakatutok lang kasi ang serbisyo ng mga water district sa matataong lugar. Hindi na nila nalalagyan ng linya ng tubig ang mga liblib na lugar at bundok dahil ikalulugi nila ito.

Kaya naman ibinaling ng AKB ang priority program nito sa pagkakaloob ng malinis na tubig sa mga barangay na hindi nasisilbihan ng water district. Hindi lang po sa Pilipinas may suliranin sa malinis na inuming tubig dahil batay sa report ng UN high-level panel ay tinatayang 2.5 bilyong katao sa buong mundo ang may katulad na problema.

Sa abot ng aking makakaya, patuloy akong gagawa ng paraan upang malutas ang problema sa inuming tubig, hindi lang sa lalawigan ng Albay kundi sa iba pang bahagi ng Bicol Region.

Turismo rin

Sa aking paglilibot sa Albay, namangha ako sa kagandahan ng Green Lava na matatagpuan sa Barangay Mi-isi sa Daraga. Sa naturang lugar kasi ay mistulang abot-kamay mo na ang tuktok ng perpektong Mayon Volcano. Makikita rin dito ang makukulay na bulaklak at luntiang halaman sa paanan ng bulkan.

Inaanyayahan ko ang aking mga kababayan at bawat Pilipino na bisitahin ang lugar upang makalanghap ng sariwang hangin habang pinagmamasdan ang kahanga-hangang bulkan na napapaligiran ng bulaklak. Paalala lamang sa lahat — sundin ang health protocols na pinatutupad ng pamahalaan upang maiwasan ang hawaan ng COVID-19.

Higit sa lahat, alagaan at huwag po nating hayaang madumihan o masira ang Green Lava dahil itoý likas na yaman mula sa Panginoon at karapat-dapat lamang na ating pagyamanin at ingatan.

In-house Wendys Banner – square

Leave A Reply

Your email address will not be published.