Una sa Balita

Maligayang kaarawan para sa ating VP, tuloy ang laban!

By
0 534

Nitong Lunes, binati ng isang birthday song ng buong opisina ng Office of the Vice President ang ating Bise Presidente Leni Robredo.

Galing lang siya sa meeting noon at sa kanyang paglabas, isang masigabong palakpakan at pagkanta ang sumalubong sa kanya. May maliit ding cake kaming inihandog sa kanya. Nakakalokang nakalimutan pa nga ang kandila, pero buong-buo ang ngiti ni VP Leni sa simpleng handog sa kanya ng mga katrabaho.

Ilang taon ko nang kasamang magtrabaho si VP Leni. Taon-taon, lalong tumitindi ang paniniwala at paghanga ko sa kanya bilang isang babae at isang lider.

Abante Hiring – IT dep

“Matino at mahusay,” iyan ang dalawang katangiang taglay ni VP Leni. Iyan din ang kata­ngiang kailangan ng isang epektibong lider, ayon sa pumanaw na asawa ni VP Leni na si dating DILG Secretary Jesse Robredo.

“Jess used to say this all the time, almost a whole year before he passed away,” kuwento ni VP Leni.

“Pagdating sa pamumuno, hindi na sapat na tayo ay matino lamang, at lalong hindi rin sapat na tayo ay mahusay lamang. Kailangan itaas na natin ang antas ng pamumuno at maging parehong matino at mahusay, upang mabantayan ang pera ng taong bayan,” dagdag niya.

Dito ako tunay na humanga kay VP Leni. Kitang-kita namin lahat kung paano hindi nawalan ng loob ang ating bise presidente para lang makatulong sa ating kababayan, lalo na sa mahihirap.

Limitado ang kapasidad ng Office of the Vice President lalo na sa budget. Ibig sabihin, kakaunti lang ang pondo para sa mga programang makakatulong sa ating kababayan.

Pero hindi ito naging hadlang kay VP Leni para makatulong.

Matagal na nating pinag-uusapan ang prog­ramang Angat Buhay, at kung paano ito nakatuon sa pagpapabuti ng buhay ng ating kababa­yang nasa pinakamaliit, pinakamalalayo, at pinakamahihirap na mga barangay.

Matagal ko na ring unti-unting kinukuwento ang mga tulong na nadadala natin sa ating mga kababayan. Kahit papano, nabibigyan natin sila hindi lang ng pag-asa kung hindi pati ng pagkakataong pagandahin ang kanilang mga kinabukasan.

At ang lahat ng ito ay naging posible dahil sa pagpupursigi ni VP Leni, ng buong opisina, at mga partner ng Angat Buhay na patuloy ang suporta sa ating programa.

Dahil sa mga partner, nagkakaroon ng pondo ang programa para makatulong sa mga komunidad pagdating sa problema sa kabuha­yan, pabahay, kalusugan, edukasyon, at iba pa.

Patuloy ang pagtatrabaho ni VP Leni na suyurin ang ating bansa at tumulong. Sa pamamagitan ng Angat Buhay, naitutulay ang mga taong may matinding panga­ngailangan sa mga tao o organisasyong nagnanais makatulong sa kapwa.

Napakarami ko nang nakausap mula sa iba’t ibang lupalop ng bansa na tunay na nagkaroon ng bagong buhay — katulad na lang ng mga kuwento natin nitong nakaraang taon. At ito ang patunay na tama ang taong bayan sa paghalal ng isang mahusay at matinong lider na tulad ni VP Leni.

Ngayong linggo ng kaarawan ni VP Leni, nais kong muling magpasalamat sa lahat ng kanyang sakripisyo at pagsisikap para sa ating bayan. Alam ko na marami pang hamon na dara­ting pero buo ang aking loob sa pamumuno ni VP Leni lalo pa’t sigurado rin akong paninindigan din ito ng ating kababayan.

Happy birthday po muli, VP Leni!

***

Si Georgina Hernandez ang taga­pagsalita ni Vice President Leni Rob­redo. Siya rin ang namumuno sa Angat Buhay program ni VP Leni. Layunin nitong tulungan ang pinakamahihirap na komunidad sa ating bansa sa pakikipag-partner sa mga pribadong kompanya at iba pang volunteer groups. Mag-email sa kanya sa angatbuhay@gmail.com o mag-text sa 0916-705-0273.