Una sa Balita

Maligayang Buwan ng Kababaihan

0 361

Binabati ko ang lahat ng mga nanay, ate, bunso, tita, lola, amiga at kumare ng isang maligayang Buwan ng Kababaihan! Ang pagdiriwang ng Buwan ng Kababaihan ngayong taon ay nakasentro para sa mahahalagang pagbabago na may malaking epekto sa ating lipunan.

Kung naaalala ninyo, dalawang taon na ang nakalipas nang maipasa ng Senado ang panukalang Expanded Maternity Leave Law. Ito ang unang naipasang batas ng Senado noong 2017.

Pagkatapos ng dalawang taon, ganap na batas na ito kung saan isa itong napakagandang regalo sa lahat ng mga manggagawang kababaihan. Itinuturing itong isang makasaysayang batas para sa pagsulong ng mga karapatan ng mga manggagawang kababaihan dito sa Pilipinas.

Ayon sa mga health expert mula sa Philippine Obstetrics and Gynecological Society, Philippine Medical Association, Philippine College of Occupatio­nal Medicine, Philippine Pediatric Society, Philippine Society of Newborn Medicine, Philippine Nurses Association at Integrated Midwives Association of the Philippines, ang pagkakaroon ng mas mahabang maternity leave ay kaila­ngan upang maibalik sa kalusugan ang katawan ng mga bagong ina. Gayundin, mas mainam na mapasuso ng ina ang ating sanggol sa mas mahaba-habang panahon upang lumakas ang immune system ng bata.

Taas-noo na nating masasabi na ang Pilipinas ay nag-level up na sa mga karatig nitong bansa sa Asya kung saan ang Indonesia, Thailand, Cambodia at Malaysia ay may 90 araw na paid maternity leave para sa mga kababaihan. Sa Myanmar ay may 98 na araw, samantalang sa Laos at Brunei ay 105 na araw. Sa Singapore, ang paid maternity leave ay 112 na araw, at ang Vietnam ay may 180 araw para sa mga nanay.

Sa pagdiriwang ng Women’s Month, atin ring inaasahan ang pagpasa ng isa pang importanteng batas, ang Safe Streets and Public Spaces Act kung saan ipagbabawal na ang anumang uri ng pambabastos o sexual harassment sa lahat ng mga kababaihan at maging sa LGBTQ sa lahat ng pampublikong lugar, maging sa paaralan at opisina.

Umaasa tayo na ang maisasabatas ito upang maproteksyunan ang ating mga kababayan laban sa mga iba’t ibang klase ng pambabastos. Walang puwang sa isang demokratiko at progresibong lipunan ang anumang uri ng diskriminasyon at pambabastos sa lahat ng mamamayan.

Respeto sa lahat ng tao—anuman ang kanyang kasarian, edad, estado sa buhay at ekonomiya ang dapat na ipinaiiral natin at siyang itinuturo sa ating mga anak. Higit na mas uunlad at magiging mas mapayapa ang ating komunidad kung may respeto sa ating mga kababaihan at pinapahalagahan ang ating kaligtasan at karapatan. Ang ating mga kababaihan ang tagapag-alaga ng ating bayan, Huwag nating hayaan na yurakan ang ating dignidad at mga karapatan.

***

Sa mga nagnanais na magpadala ng katanungang pangkalusugan at pangkababaihan kay Senator Risa Hontiveros, sumulat lamang sa itanongkayrisa@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy