Una sa Balita

Male personality yumaman, sumikat dahil sa bading na TV host

0 637

MULING pinagpistahan ang isang hunk personality sa isang malaking umpukan ng mga taga-showbiz. Sa isang iglap kasi ay nagkaroon siya ng pangalan.

Hindi siya marunong umarte, hindi rin siya ma­galing kumanta, sumasayaw man siya ay iisang istilo lang ang kanyang alam gawin.

Sa umpukang ‘yon ay may naligaw na mga show promo­ter, meron ding mula sa grupo ng mga nagbubuo ng male contest, kilalang-kilala siya ng mga ito.

Komento ng aming source, “May picture na ipinakita ‘yong isang show promoter mula sa cellphone niya. Ginawa niyang pahulaan kung sino ang payatot na lalaking nandon.

“Sabi ng isa, si (pa­ngalan ng isang male singer na hindi kaguwapuhan) daw ‘yon! Sabi naman ng isang source, e, si (pangalan ng isang becking komedyanteng hindi na gaanong aktibo ngayon)!

“Walang makahula sa umpukan kung sino ang payatot na lalaki sa cellphone. Payat na payat kasi, saka hindi katangusan ang ilong, sino nga ba siya?” pasakalye ng aming impormante.

Kilala na ngayon ang male personality, napa­kasuwerte niya, hindi na siya dumaan sa mga audition para lang siya makapasok sa isang sikat na show.
Balik-komento ng aming impormante, “Ganon talaga kapag dumarating ang suwerte. Basta na lang ‘yon dumara­ting sa hindi inaa­sahang pagkakataon!
“Sino ba ang mag-aakala na makikilala siya dahil lang sa naging boyfriend siya ng isang sikat na TV host? Ganon lang!

“At sinuwerte talaga siya dahil mula sa pagbuntot-buntot sa mga becking makapagbibigay sa kanya ng pagkakakitaan, e, hayan na siya ngayon, napakaganda na ng kabuhayan showcase niya nang dahil sa becki na mahal na mahal niya raw!

“Ang buhay nga naman. Imagine, marami nang becking humawak sa kanya non, pero wala namang nangyari sa buhay niya! Tapos, heto ngayon ang isang sikat na becking in-love na in-love sa kanya, bonggang-bongga na siya ngayon!

“Ibang klase talaga kapag ngumiti ang kapalaran sa iyo, sa mabilisang panahon, natupad ang mga pangarap niya!” pagtatapos ng aming impormante.
Ayown!

Sharon, KC kinumpara sa mga Barretto

HANGGANG ngayon ay wala pang gumagawa ng unang hakbang sinuman sa mag-inang Sharon Cuneta at KC Concepcion para matapos na ang kontrobersiya sa kanilang pagitan.

Sa halip ay ipinagpapalagay pa nga ng marami na nagpaparinigan silang mag-ina sa mga post nila sa social media. Hu­malo pa si Gabby Concepcion sa kuwento sadya man o hindi.

“Nakakalungkot ang mga ganitong istorya, lalo na’t mga sikat pa namang persona­lidad ang sangkot, walang iniwan ang estado nina Sharon at KC sa mga Barretto.

Kulang sila sa komunikasyon, idinadaan nila ang problema nila sa social media kundi man sa national television.

May mga humuhusga kay KC bilang anak na unang dapat gumawa ng paraan para magkausap sila nang personal ng kanyang ina. Pero walang aksiyong ginagawa ang dalaga.

Bina-bash din ang Megastar dahil siya raw ang mas nakatatanda, siya ang mas nakaaabot bilang ina, pero wala rin siyang ginagawang anuman para matuldukan na ang problema nilang mag-ina.

Walang ibang makapagsasarado ng kontrobersiyang ito kundi sina Sharon at KC lang, sila ang tunay na nakakaalam ng lalim ng kanilang hidwaan, kaya nasa kanila lang talaga ang paraan para matahimik na ang kanilang pagiging magnanay.

Iba-iba lang talaga ang problema natin, may ninenerbiyos na ngayong mga artista dahil sa napipintong pagpapasara ng ABS-CBN, saang kangkungan nga naman sila dadamputin kapag nagkataon?

Hindi kailanman magiging problemado si Sharon Cuneta tungkol sa usapin ng trabaho dahil milyonarya siya, pero sa personal na buhay naman siya kinakalampag ng kapalaran, hindi talaga ibibigay sa isang tao lang ang mga biyaya.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More