Una sa Balita

Male personality wanted sa sangkatutak na utang

By
0 1,885

Hindi pa masyadong maingay sa ngayon ang isang senaryong kinapapalooban ng isang kilalang male personality. Magpapalipas pa tayo nang ilang buwan bago sumambulat ang kuwento.

Pero siguradong lalabas, paniguradong mauungkat, lalo na kapag nainip na ang kanyang mga pinagkakautangan. Maraming taong sangkot sa istorya.

Kuwento ng aming source, “Ang dami-dami niyang inabalang tao para lang matuloy na ang matagal nilang plano ng karelasyon niya, pero hindi matuluy-tuloy, dahil sa kakapusan niya sa bala.

“Marami siyang inuta­ngan, mga taga-showbiz at hindi, baon siya sa utang ngayon na kung paano niya mababayaran, e, kailangan niyang magtrabahong-kalabaw!” sabi ng aming source.

Hindi lang ang kanyang mga inutangan ang puwedeng mag-ingay, may mga kinontrata rin siyang grupo na hanggang ngayo’y hindi pa rin bayad ang mga serbisyo, bonggang-bongga ang kanyang pangarap na naganap naman pero ‘yun din ang maglalagay sa kanya sa indulto isang araw.

“Kapag nainip na ang mga pinangakuan niya, e, siguradong sasabog na ang kuwento. Inaasahan ng mga taong ‘yun ang promise niya na magbabayad siya, pero paano kung hindi naman pala niya kaya, ano ang magiging kasunod nu’n?” babala pa ng aming impormante.

***

Willie R. hinikayat na tumakbong senador

Ilang pulitiko na mula sa Quezon City ang hali-haliling nakikipag-meeting kay Willie Revillame. Matindi ang kanilang imbitasyon para kumandidatong mayor ng lunsod ang sikat na aktor-TV host.

Pinakikiharapan naman sila nang maayos ni Willie, nakikibalita siya sa mga nagaganap sa mundo ng pulitika ng siyudad na matagal niya nang tinitirhan, pero nagdadalawang-isip siya kung pagbibigyan ang imbitasyong tumakbo ng mga nagpupuntahan sa kanya.

Sa susunod na taon pa ang eleksiyon, may mahabang panahon pa para siya makapag-isip, kailangan niya munang humingi ng payo sa kanyang mga kaibigang pulitiko na malapit sa kanya.

Sa pagtulong sa mga kapuspalad nating kababayan ay wala nang kuwestiyon, marami nang buhay na binago ni Willie, hindi biro ang isang milyon, bahay at lupa at sasakyang ipinamimigay niya sa masusuwerteng kalahok sa kanyang programa.

Du’n pa lang ay maligaya na si Willie, kuwento niya, “Kapag umuuuwi ako after ng taping, ang saya-saya ko, lalo na kapag may nakakakuha ng jackpot. ‘Yun ang pinakamasayang point ng buhay ko as a host.

“‘Yung may nananalo, ‘yung may nakapag-uuwi ng house and lot, sasakyan at one million pesos. Sobra ang saya ko kapag may mga natutulungan ako, dala-dala ko ‘yun hanggang sa matutulog na ako,” sabi ng aktor-TV host.

May kinausap siyang pulitiko na hindi maaaring magsinungaling sa kanya. Humi­ngi siya ng payo kung kailangan pa ba niyang pumasok sa pulitika o sapat na ang pagtulong na ginagawa niya sa Wowowin.

Simple lang ang tugon ng kaibigan at pinaniniwalaan niyang politician, “Ayaw mo sa ngayon, pero kung ‘yan talaga ang destiny mo, wala ka nang magagawa. Ayaw mo man, siguradong du’n din ang bagsak mo.”

Isang kaibigan niya naman ang nagkomento na dahil sa lawak ng naaabot ng pagtulong niya sa mga kababayan nating kapuspa­lad ay mas magiging paborable kung tatakbo siyang senador.

Sa pinakahuling survey sa mga barangay sa Quezon City ay siya ang tinatawag na strong number 2, magkadikit sila sa survey ni Vice-Mayor Joy Belmonte, lumabas ang resulta sa isang panahon na hindi pa lumalantad at nagdedeklara si Willie Revillame na tatakbo siyang mayor ng lungsod.