Una sa Balita

Male personality reklamador, feeling bida

0 400

Maraming katrabaho ng isang kilala na ring male persona­lity ang hindi nagkakagusto sa kanyang working attitude. Marami siyang tanong, nagrereklamo kahit tungkol sa maliliit na bagay lang, sa madaling salita ay makuwenta ang male personality sa pagtatrabaho.

Hindi siya ang bumibida sa isang serye, kaibigan lang siya ng bida, suporta lang siya sa palabas at hindi siya ang sentrong karakter ng istorya.

Pero ang kanyang pakiramdam ay siya ang nagdadala ng kuwento, parang hindi na kumpleto ang palabas kapag nawala ang kanyang ginagampanang role, may pagkareklamador ang male personality na ito.

Abante Hiring – IT dep

Kuwento ng isang source na may alam tungkol sa ugali ng male personality, “Nu’ng una, e, okey naman siya. Marunong siyang makisama, maayos siyang magtrabaho, pero nu’ng magtagal-tagal na, e, lumabas na ang hindi kagandahang attitude niya.

“Kung ang mga bumibida sa serye, e, hindi nagbibilang ng sequences, ang male personality na ito, e, may calculator sa utak. Binibilang niya ang mga sequences niya sa script kung marami ba o kokonti lang.

“Kapag konti lang ang exposure niya, e, nakatanong na agad siya, bakit kulang ang exposure niya sa episode na ginagawa nila? Feeling niya yata, e, kasama siya sa bawat eksenang ginagawa ng bida!

“E, may iniikutang lovelife ang mga eksena nu’ng bida, may pampamilya pa, kasali rin ba dapat siya sa mga eksenang ‘yun? Nagbibilang siya, he plays with numbers, nakakahiya siya!” inis na kuwento ng aming impormante.

Kung matatandaan ay minsan nang inireklamo ng isang produksiyon ang working attitude ng male personality na ito. Nawala tuloy sa kanya ang isang napakagandang oportunidad, pumutok na parang bula ang pagkakataong para sa kanya, pinalitan siya ng ibang aktor.

 

Litanya ni Regine sampal sa Kapuso

Sa aminin man nila at sa hindi, wala man tayong naririnig na komento mula sa mga tagapamuno ng GMA-7, ay siguradong may pitik silang naramdaman sa naging pahayag ni Regine Velasquez na number one network ang ABS-CBN.

‘Yung litanya ng Asia’s Songbird na “‘Yun talaga ‘yun, na bago man lang matapos ang career ko, masabi kong nakatrabaho ko rin ang number one station,” natural lang na may bumikig sa lalamunan ng mga bossing ng inalisan niyang istasyon, malaking sampal ‘yun para sa kanila.

Dahil siguro sa sobrang saya ni Regine dahil napakainit ng tinanggap niyang pagsalubong mula sa mga bossing ng ABS-CBN ay hindi na niya narendahan ang kanyang bibig.

Nakalimot siya na binabantayan hindi lang ng buong bayan kundi maging ng mga dati niyang boss ang bawat sasabihin niya. Alam niya naman na nagpapatayan ang dalawang network sa pag-angkin sa trono kung sino sa kanila ang number one, pero kay Regine pa mismo nanggaling ang kumpirmasyon, napakasakit nu’n para sa GMA-7.

Tuloy ay pinaiinom siya ng apdo at pinakakain ngayon ng pinakamapaklang ampalaya ng mga kakampi ng Siyete at ng mga kababayan nating hindi nagkagusto sa kanyang litanya.

Binabato siya ng pagpansin bilang walang utang na loob, dalawang dekada siyang nagtrabaho sa Siyete, pero iilang oras pa lang siyang nakaaalis ay lumabas na agad ang ganu’ng linya sa kanyang bibig.

Opinyon ng kaibigan naming propesor na napaigtad din sa mga sinabi ni Regine, “Hindi siya dapat nagsusunog ng tulay. What if hindi maging kagandahan ang resulta ng paglipat niya? Paano kung hindi pala siya kuntento sa nilipatan niya?

“Babalik na lang uli siya sa Siyete? Nasa aquarium siya ngayon, sinusundan ng lahat ang mga sinasasabi niya, kailangan niyang mag-ingat sa pagsasalita in English o Filipino man ang gusto niyang sabihin,” sabi ni prop.