Una sa Balita

Male celeb tamad dumukot sa bulsa

0 696

PAGDATING sa paghawak ng pananalapi ay kilalang-kilala ang isang pamosong male personality sa pagiging masinop. Sobrang sinop niya sa kabuhayan, hanggang puwede siyang magtipid ay ginagawa niya, kaya naman marami siyang naipundar mula sa kanyang pag-aartista.

Kapag nagla-last shooting daw ang produksiyon ay naging kultura na para sa mga artista ang magregalo sa staff and crew. Ang regalo ay kinakambalan pa nila ng nakasobreng halaga.

Hindi uso sa male personality ang pagbibigay ng datung sa mga nakasama niya sa proyekto, nagbibigay siya ng regalo, pero merong kuwento ‘yun.

Kuwento ng isang source, “Hindi niya bibilhin ang regalo, maniwala kayo, hindi siya maglalabas ng pera para ipambili ng mga regalong ibibigay niya sa mga crew ng production.

“Meron siyang mga ginagawang TVC, ‘di ba? Humihingi siya ng gift certificates mula sa company, iniipon niya ‘yun, para kapag may kailangan siyang regaluhan, e, ‘yun ang ipinamimigay niya!

“Puro ex-deal lang ang ipinamimigay niya, hindi tulad ng ibang mga artista na nagpapabili talaga ng mga regalo para sa staff and crew!” tawa nang tawang kuwento ng aming impormante.

Kahit sa kanilang bahay ay umaariba pa rin ang pagiging matipid ng male personality, ganu’n ang kuwento ng mga kasambahay nilang umalis na sa kanila, ang paboritong ulam kuno ng sikat na male personality ay pinangat.

Kuwento uli ng aming source, “Pero hindi ‘yun totoong pinangat na isda ang favorite niya, kundi pangat. Pangatlong init ng food, ‘yun ang ibig sabihin ng mga dati nilang kasambahay.

“Nanghihinayang kasi siya sa mga natitira nilang food, kaya hanggang pangatlong init, e, ipinakakain niya ‘yun sa mga kasambahay nila.

“Ganu’n siya katipid, ganu’n siya kagaling sa paghawak ng pera. Ang aga-aga niyang natuto, bata pa lang siya, e, ganu’n na siya talaga. Marunong siyang magpahalaga sa kinikita niya,” pagtatapos ng aming source na may kakambal nang clue kung sino ang sikat na male personality.

Sharon pupunuan ang pagkukulang sa mga anak

NATURAL na lang sa mga artista ang paminsan-minsang makaramdam ng pagkaburyong sa kanilang trabaho. Rutina kasi ang kanilang trabaho sa maghapon.

Shooting, taping, pictorial, interview, provincial show at iba pang mga aktibidad na paulit-ulit na nilang ginagawa. Natural lang na kung minsan ay parang tinatamad na sila sa ganu’ng ikot ng kanilang buhay sa araw-araw.

Ganu’n mismo ang naganap kay John Lloyd Cruz. Mula nu’ng bagets pa ito ay ganu’n na ang takbo ng kanyang buhay, kaya isang araw ay nagdesisyon ang magaling na aktor na magpahinga muna.

Ganu’n din ang nakikita naming dahilan kung bakit nagdeklara ang Megastar na dalawang taon pa mula ngayon ay magpapahinga na siya sa pag-aartista.

Napakaagang nagsimula sa pag-aartista ni Sharon Cuneta. Mula sa kanyang “Mr. DJ” na pumatok sa mundo ng musika hanggang sa magtambal na sila ni Gabby Concepcion sa pagharap sa mga camera ng pelikula at telebisyon.

Hindi siya nagsasawa, passion niya ang linyang ito, pero napapagod nga naman ang pisikal na katawan natin. Lalo na kung paulit-ulit na lang ang kanyang ginagawa at wala nang bago ay natural lang namang sukuan na niya ang kanyang propesyon.

Lumaki si KC Concepcion nang hindi halos niya naramdaman. Abala siya nu’n sa paghahanapbuhay, kaliwa’t kanan ang kanyang trabaho, para kumita para sa kanyang anak.

Naglalakihan na rin ang kanilang mga anak ni Senador Kiko Pangilinan, kailangan ng pagtutok ni Mega sa kanilang mga anak, kaya pagkatapos ng mga natanguan niyang kompromiso ay magreretiro na siya.

Nakakalungkot ang kanyang sinabi, “Napapagod na rin ako.” Maigsi lang ang kanyang mga salita pero nandu’n na ang lahat-lahat.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More